CAGAYAN-- Dalawang indibidwal ang nasawi sa insidente ng pamamaril sa Zone 1 Brgy. Fugu Gattaran, Cagayan.

Naiulat na unang pinatay ni Rexx Martin, residente ng Bgy. Agani, Alcala, Cagayan, ang kanyang dating live-in partner bago niya patayin ang sa kanyang sarili noong Miyerkules.

Nakilala naman ang biktimang si Rhea Ponce, 37 anyos, Barangay Treasurer at residente ng Zone 1 Barangay Fugu, Gattaran, Cagayan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dumating si Martin sa tirahan ng biktima at agad nitong binaril ang biktima hanggang sa mamatay at pagkatapos ay binaril ang sarili.

Probinsya

9-anyos na bata, patay matapos makuryente ng tinatayang 20 minuto

Parehong isinugod sa Dr. Tomas Nolasco Hospital ang dalawang indibidwal ngunit idineklara na ang suspek na dead on arrival habang ang biktima ay binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo sina Martin at Ponce.

Isang araw bago ang insidente, sumulpot ang biktima sa Gattaran Police Station at iniulat na pinagbantaan siya ng suspek na papatayin kung makikipagrelasyon muli.

Magkasama sina Martin at Ponce ng dalawang taon at naghiwalay noong 2020.

Samantala, narekober sa pinangyarihan ng krimen ang isang unit ng homemade Caliber 38 revolver na walang serial number na may markang Smith at Wesson (Springfield) na kargado ng isang live ammunition at dalawang fired cartridge cases at black holster.

Nasa kustodiya na ngayon ng SOCO Lal-lo ang nasabing mga ebidensya para sa ballistic examination.

Liezle Basa Inigo