Inamin ng Kapuso comedienne at vlogger na si Jelai Andres na sobra-sobra siyang 'nawasak' at 'gumapang' pa nga sa naging hiwalayan nila ng mister na si Ex-Battalion member Jon Gutierrez.

Naging usap-usapan sa mundo ng showbiz at maging sa social media ang umano'y pambababae ng rapper kaya humantong sila sa hiwalayan. Gumugulong na raw sa korte ang kanilang annulment case upang mapawalang-bisa na ang kanilang kasal sa lalong madaling panahon.

Si Jelai ang isa sa mga endorsers ngayon ng Beautéderm Corporation kaya nagsagawa ng isang face-to-face presscon ang kompanya. Siya raw ang napili ng CEO at President nito na si Rei Anicoche-Tan upang maging pinakabagong brand ambassador dahil sa kaniyang pagiging palaban sa buhay.

Nahirapan nga ba siya sa pagmo-move on at move forward matapos ang kinaharap na pagsubok sa kanilang relasyon ni Jon?

Bretman Rock, ibinida ang Filipina Barbie Doll na likha ng Fil-Am artist

“Talaga naman pong nahirapan ako. Hindi lang po ako nahirapan, gumapang po talaga ako sa mga pinagdaanan ko, talaga pong nahirapan ako. Para kang namatay po, tapos nabuhay ka lang ulit. Para pong ganoon, aniya.

“So, inisip ko po na lahat po iyon ay may dahilan, lahat po iyon ay regalo ng Diyos na kapag alam Niyang mayroon kang magandang intensyon, ilalayo ka po Niya sa mga taong hindi dapat para sa ‘yo,” dagdag pa niya.

Naitanong din sa kaniya kung paano niya namimintina ang magandang hubog ng katawan at magandang mukha kahit na stressful ang mga pinagdaanan niya.

“Importante para sa akin ang tamang oras ng pagtulog, uminom ng maraming tubig, at siyempre healthy diet. Mahalaga rin ang outlook," aniya.

“Sinisiguro ko na lagi akong nakangiti at masaya. Siyempre, kailangan ko ang aking daily dose ng health boosters para maharap ko ang aking araw at makumpleto ko ang ang mga dapat kong gawin araw araw ng mayroong vigor at vitality."

Huling napanood si Jelai sa romantic comedy series na 'Owe My Love' nina Benjamin Alves at dating Kapuso star na si Lovi Poe.