Pumalag ang komedyanteng si 'Inday Garutay' sa isa sa latest vlogs ng magkakaibigang Vice Ganda, MC, at Lazzy na mapapanood sa mismong YouTube channel na umere noong Nobyembre 30, 2021. May pamagat itong 'Sino ang ihahalal ni Vice Ganda?'

Nagtungo ang magkakaibigan sa Times Square, New York City, USA at nagpasyang kumain ng halal, isa sa mga sikat na street food sa lugar na iyon. Habang kumakain, pinasya nilang maglaro ng 'Sino ang ihahalal ni Vice Ganda'.

"Tayong tatlo, magbibigay tayo ng pangalan ng ino-nominate, tapos pipili tayo ng isa kung sino ang ihahalal natin," pagbibigay-panuto ni Vice Ganda kina MC at Lassy.

Janno Gibbs nakikipogi kina Paulo Avelino, Aga Muhlach

Screengrab mula sa YT/The Vice Ganda Network

Maya-maya, sinabi ni MC na 'Sino sa mga komedyante ang hindi nakakatawa?'

Ang ibinigay na pangalan ni Vice ay si Anton Diva, na dinepensahan naman niya kaagad. Kahit para sa kaniya ay hindi nakakatawa si Anton, ito naman daw ang best singer. Ang panlaban daw talaga ni Anton ay boses niya.

Si MC naman, ang binanggit ay si Inday Garutay.

"Pero meron siyang brilliant mind… ang dami niyang kayang ibulong 'di ba," depensa ni MC.

Si Lassy naman, si Janelle Jamer ang binanggit, na dating host sa 'Wowowee'. Depensa naman ni Lassy, nagpokus daw si Janelle sa hosting kaya nakalimutan nito ang pagpapatawa.

Pagkatapos ay sabay-sabay nilang sinabi na ang 'elected' sa kategoryang ito ay si Inday Garutay.

Lassy, Vice Ganda, at MC (Screengrab mula sa YT/Showbiz Update)

Sa panayam ni Ogie Diaz kay Inday Garutay sa sgowbiz vlog nitong Showbiz Update, ipinahayag ni Inday Garutay ang kaniyang panig tungkol dito. Aniya, pakiramdam niya ay nainsulto umano siya sa ginawa ng tatlo, lalo na't hindi naman daw niya kaibigan si MC, na nag-nominate sa kaniya.

"Napanood mo yung vlog ni Vice Ganda?" tanong ni Ogie kay Inday Garutay via recorded interview video.

"Yes po, napanood ko pero hindi ko tinapos kasi kung ikaw ang subject at hindi naman kayo close nina MC, doon pa lang hindi mo na itutuloy eh, 'di ba?" pahayag ni Inday Garutay.

"Ayaw mo nang tapusin kasi na-hurt ka. Kung may disclaimer sa bandang huli, I'm sorry hindi ko na pinanood kasi wala na akong time panoorin…"

"May disclaimer sila na katuwaan lang daw iyon," pagtatanggol ni Ogie.

"Katuwaan lang pero unang-una, hindi naman kami magkaibigan ni MC eh. Magkatrabaho kami, magkakilala kami, we respect each other kapag nagkikita kami, pero hindi kami magkaibigan. Syempre, very insulting kasi iyon sa akin."

Alam naman daw ng lahat na maimpluwensya si Vice, at ano na lamang daw ang iisipin ng mga tao kung halimbawang kukunin siyang komedyante sa isang raket? Baka isipin nga raw ng mga tao na totoo ang sinabi ng tatlo, at baka maapektuhan nito ang kaniyang kabuhayan bilang isang stand-up comedian.

"What if merong event na papasok sa akin, inquiry sa akin? Huwag na nating kunin si Inday hindi naman nakakatawa 'yan eh. Kasi nga maimpluwensya nga si Vice, let's face it," paliwanag ni Inday.

Ipinaliwanag din ni Inday Garutay ang ginawa niyang post na nag-call out kina Vice, MC at Lassy. Initial reaction daw niya at cause and effect din umano ito.

Naungkat din ang 'hidwaan' nila ni Vice noon pang 2010 kung saan 'pinatanggal' daw siya ng Unkabogable Phenomenal Star' sa comedy bar na kanilang pinagtatrabahuhan. Ngunit ngayon daw ay masasabi niyang okay na sila.

Samantala, nagpasalamat naman si Inday kay Ogie dahil narinig ang kaniyang panig hinggil sa isyu. 'Vindicated' na umano siya batay sa mga komento ng mga netizen.

"After na mainsulto ako sa vlog ni Vice Ganda, salamat sa vlog ni Mama Ogie Diaz after ko ma-air side ko, vindicated ako sa mga comment ng organic netizen."

Samantala, wala pang opisyal na pahayag sina Vice Ganda, MC at Lassy hinggil sa isyung ito.