Isa sa mga natalakay na showbiz issues nina Ogie Diaz, Mama Loi, at Tita Jegs on the side sa showbiz vlog na 'Showbiz Update' nitong Disyembre 3, ang umano'y sagutan na naman sa pagitan ng singer-actor-host na si Janno Gibbs at komedyanteng si Kitkat Favia, na nangyari umano mismo sa isang public Viber group na 'COVID-yante' na ang mga miyembro ay mga komedyante.

Matatandaang unang nagkabanggaan sina Janno at Kitkat sa taping ng noontime show na 'Happy Time' sa Net 25, noong 2020. Isa pa sa mga host na kasama nila rito ay si Anjo Yllana. Pareho na umano silang hindi pinapasok sa naturang programa, ayon kay Ogie Diaz.

Personal namang nakausap ni Ogie ang komedyanteng si Kitkat sa pamamagitan ng video conference. Dito ay ibinahagi ni Kitkat ang panig niya hinggil sa isyu.

Una muna ay kinumusta muna ni Ogie si Kitkat kung kumusta na ba sila ni Janno Gibbs.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

"Ha? Sino po 'yun? Charot!" pabirong sabi ni Kitkat habang inaayos-ayos ang buhok. "Parang kapag naririnig ko 'yung pangalan, na-anxiety ako eh."

"Hindi ba kayo nagkikita?" muling untag ni Ogie.

"Ah, wala po akong balak! Charot!" sabi pa ni Kitkat.

At isinalaysay na nga ni Kitkat ang kaniyang panig. Ibinahagi raw kasi ng komedyanteng si Gene Padilla, kapatid ni Dennis Padilla, tungkol sa isang batikang artista na nagpapatulong sa kaniyang makakuha ng 'raket' o sideline na minura siya. Nakisimpatya naman daw si Kitkat kay Gene dahil nga naranasan niya mismo ito, bagama't wala naman umano siyang binanggit kung kanino niya ito naranasan.

"Aru jusko… yaan mo na kuya, may mga ganyan talagang tao. May saltik, pitik… may iba nga bigla na lang nagmumura sa kapwa na P.I. eh… isipin na lang natin meron sila pinagdadaanan," bahagi ng mensahe ni Kitkat kay Gene.

"Kawawa din. Kaso yun nga kahit sino walang karapatan! May mga matatanda talagang walang pinagkatandaan! Lahat naman may balik!" pahayag pa ni Kitkat.

Maya-maya raw ay biglang nag-post ng mensahe si Janno at direktang pinangalanan si Kitkat.

"Pero mas may topak pa rin si Kitkat diyan! May mga baguhan talaga na walang respeto sa senior actors," pahayag umano ni Janno.

Nagulat umano si Kitkat sa ginawa ni Janno, lalo na't maraming miyembro ang Viber group na iyon. Rumesbak kaagad si Kitkat. At dito na nagsimulang magsagutan ang dalawa.

"Talaga lang??? Sinong nagmumura ng P.I. mo at pumapatol sa babae? Talaga lang? Alam ng lahat ang topak mo! Wag ako Janno, isa kang BASTOS na matanda!"

"RESPECT IS NEVER ASSIGNED, IT's EARNED JANNO… Yoko na patulan ka!"

Sumagot naman kaagad si Janno. Dapat lamang daw na minumura ang mga taong nagmumura ng 'gago' sa mikropono at sa harap pa ng maraming tao.

Dinagdag pa umano ni Janno na dapat sana ay magkakasama pa sila at makakabalik pa sa naturang programa kung magbabati sila nang kusa, subalit ayaw na umanong makipag-ayos ni Kitkat. Dalawang linggo umanong kinausap ni Janno ang manager ni Kitkat.

Ayon naman kay Kitkat, sino raw ang kinakausap nitong manager gayong wala naman daw siyang manager. Pangalawa raw, kung talagang gustong mag-sorry ni Janno, dapat sana ay tinext man lamang umano siya. Pangatlo naman, talagang ayaw na niya dahil ibig sabihin ay may nangyari ngang hindi maganda sa set kaya ayaw na niyang bumalik doon.

Dahil sa sagutan ng dalawa, marami raw umalis sa Viber group na iyon gaya nina Paolo Contis, Mitoy Yunting, at inaaya na raw siya ni Jeffrey Tam na mag-leave na rin, ngunit mas pinili ni Kitkat na manatili sa naturang group chat upang makita ang iba pang mga sasabihin ni Janno tungkol sa kaniya.

"Wala sa bokabolaryo na bibigyan ng chance yung isang taong ganun," wika ni Kitkat nang tanungin ni Ogie kung may pag-asa pa silang magkaayos ni Janno.

Samantala, nilinaw naman ni Ogie na kaya hindi niya nakuhanan ng panig si Janno ay dahil hindi pa yata sila fully in good terms ng singer-actor, dahil sa mga isyu nila noon. Baka lamang daw mapahiya si Ogie kung hihingin niya ang panig ni Janno, gayong wala raw yata siyang kredibilidad dito. Nilinaw ni Ogie na hindi siya galit kay Janno.

Samantala, wala pa namang opisyal na pahayag o sagot ang kampo ni Janno hinggil sa panig na inilahad ni Kitkat.