Binasag na ni AJ Raval ang kaniyang katahimikan hinggil sa kinasasangkutang isyu, hinggil sa panliligaw umano ni Diego Loyzaga sa kaniya kahit na jowa na nito si Barbie Imperial, at iba pang mga pagsisiwalat hinggil naman sa estado nila ni Aljur Abrenica.

Ayon sa panayam kay AJ ng 'Pika Pika Juicy Showbiz Bites', napanood umano ni AJ ang naging panayam ni King of Talk Boy Abunda kay Barbie Imperial sa 'The Best Talk', at dito nga ay hinamon siya ni Barbie, na kung wala talagang namagitan o namamagitan sa kanila ni Diego, magsalita na siya sa publiko at linawin ang kaniyang pangalan.

Sabi pa ni Barbie sa panayam, mukhang nag-eenjoy umano si AJ na pinag-uusapan o pinagtsitsismisan ng mga 'Marites' at natatawag na 'kabit'.

Kaya raw hindi siya nagsasalita ay dahil wala naman umano siyang dapat linawin. May 'peace of mind' daw siya dahil alam niya sa sariling wala naman siyang ginagawang masama.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Sa alegasyon naman ni Barbie na magkaibigan sila ng 'Pambansang Lalaking Marites' na si Xian Gaza at siya pa ang nagbibigay ng mga chismis item dito, sey ni AJ, bakit naman niya gagawin iyon, eh 'di para umanong pinahamak niya ang kaniyang sarili, kumbaga ay tila naghukay siya ng sarili niyang paglilibingan?

"Si Diego po hindi po never po nanligaw si Diego sa akin. Wala po kaming naging relationship ni Diego. One time ko lang po siyang nakasama, sa set pa po ng Death of a Girlfriend. Ayon lang po," paglilinaw ni AJ sa panayam na ginanap via Zoom habang nasa biyahe siya umano pauwi sa kanilang bahay sa Pampanga.

Pinabulaanan din ng aktres na dumarayo pa si Diego sa kanilang bahay sa Pampanga at nagkukulong pa sila sa kuwarto, ayon nga sa expose ni Xian Gaza.

Hindi rin umano sila nagkikita o nagkakausap ni Barbie. Sabi pa niya, parang isang beses lang niyang nakita si Barbie at wala silang connection, bagay na salungat sa pahayag ni Barbie na 'inampon' nila si AJ sa circle of friends nila dahil jowa ito ng matalik niyang kaibigang si Axel Torres. Baby pa raw ang turing nila kay AJ. Galing mismo kay AJ na hindi raw sila close ni Barbie at isang beses lang silang nagkita, nang isama siya ng common friend nila sa isang event.

Hanggang ngayon daw ay palaisipan din kay AJ kung bakit madalas siyang gawan ng blind item o isyu ni Xian Gaza, na umabot na sa puntong ito na sila na ni Barbie ang 'nagkakasagupa'.

Naiintindihan din naman daw niya ang pinanggagalingan ni Barbie dahil na-provoke lamang ito. Kung siya ang tatanungin, wala umano siyang personal na galit kay Barbie.

Hangad din niya na maayos nina Diego at Barbie kung may mga isyu man sila sa relasyon nilang dalawa. Basta ang masasabi niya, hindi siya parte ng kanilang relasyon.

Hinggil naman sa 'her man' meme na nai-post niya matapos maging viral ang panayam ni Barbie kay Tito Boy, para daw iyon sa mga babaeng nagagalit sa kaniya hanggang ngayon. Masyado raw mainit ang mga mata ng mga kung sino-sinong babae sa kaniya.

“Ano lang po ’yon for fun lang po. Kasi natawa lang po ako. Hindi lang naman po si Barbie ’yong nagagalit sa akin na babae ngayon. Iba-ibang babae. So, pinost ko po ’yon. Hindi naman po diretso sa kanya. Lahat po ng ganitong sitwasyon na nagagalit sa akin ’yong mga babae. Ang dami po talaga. Ang dami pong galit na galit sa akin kaya po pinpost ko po ’yon," pahayag niya sa panayam ng Pika Pika.

Nauntag din ng mga nagsagawa ng panayam sa kaniya kung kumusta na ba ang estado nila ni Aljur Abrenica. Tahasang sinabi ni AJ na wala silang relasyon ni Aljur.

Bagama't nakikita silang magkasama at talaga namang hot topic sila sa mga nagdaang buwan, hindi raw nila sinabi o kinumpirma na may relasyon sila---nag-uusap lang daw sila.

Sa ngayon daw ay nakapokus silang dalawa sa mga bagay na dapat nilang pagtuunan ng pansin at problemahin.

Samantala, sa panibagong Facebook post ni AJ nitong Disyembre 4, sinabi niyang ito na ang huling beses na magsasalita siya hinggil sa isyung ito.

Screengrab mula sa FB/AJ Raval

"Last statement about all the issue, I’ll stop clearing my name in front of these people who spread false rumors and lies, it’s a waste of time. just let people think what ever they want to think. I don’t have to win every situation to prove my worth," aniya.