Posible umanong maging mas mababa sa 500 na lang kada araw ang maitalang COVID-19 cases sa bansa pagtuntong ng Disyembre, ayon sa independiyenteng monitoring group na OCTA Research Group.
Ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David, ang average ng mga naitatalang bagong COVID-19 cases ay nabawasan ng mula 1,346 kaso noong Nobyembre 14 hanggang 20 at naging 954 kaso na lamang noong Nobyembre 21 hanggang 27.
Ipinaliwanag ni David na ang one-week growth rate ng COVID-19 sa bansa ay nasa -29% na ngayon, at ang reproduction number naman o yaong bilang ng mga taong maaaring maihawa ng sakit ng isang pasyente ay nasa 0.34 naman.
Samantala, ang incidence rate sa buong bansa o ang average daily attack rate (ADAR), ay nasa less than one new case kada araw na lamang sa bawat 100,000 populasyon, na ikinukonsiderang low incidence rate.
Pagdating naman sa mga namatay dahil sa sakit, ang 7-day average mula Nobyembre 21 hanggang 27 ay nasa 186.
Ani David, ito ay mas mababa ng 20% kumpara sa 233 deaths per day na naiulat mula Nobyembre 14 to 20.
Nilinaw naman ni David na ang mataas na bilang ng mga namatay ay dulot ng late reports o huling pagkakaulat sa mga ito.
Samantala, ang 7-day average naman ng mga bagong kaso ng sakit sa National Capital Region (NCR) ay nasa 241, na kumakatawan sa 25% ng national cases.
“If the trends continue, new cases are projected to decrease to less than 500 per day by the December holidays,” dagdag pa ni David, sa kanyang Twitter account.
Mary Ann Santiago