Nakapanayam ng showbiz columnist na si Ogie Diaz ang komedyante at TV host na si Jeffrey Tam, kaugnay ng minor injury nito s kaniyang spine, na nag-ugat sa biro sa kaniya ng lead TV host ng 'Lunch Out Loud' o LOL na si Billy Crawford.

Isiniwalat ni Jeffrey kung ano ba talaga ang nangyari. Nagbibiruan lamang sila ni Billy ng mga panahon na iyon, habang nagte-taping sila ng kanilang show.

"Actually nagbibiruan kami noon. Meron kaming ano doon na pag may pinatugtog na music, kailangan mong tumambling. So naglabas na ngayon ng balikbayan box, pinatugtog, tumambling si Wacky. Noong part ko na, sinabi ko, ‘Sige, patugtugin n'yo. Ako naman," kuwento ni Jeffrey.

Plano raw talaga ni Jeffrey ay tatalon siya nang pahiga. Subalit nang pagbagsak niya, wala na pala ang kahon. Nagdilim umano ang paningin niya.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

"So ako naman, ang balak ko, hindi ako tatambling, tatalon ako, yung pahiga. So nangyari na nga, pagtalon ko, pagbagsak ko doon ako nagulat. Sabi ko, ‘Ang sakit.’ Nagdilim yung paningin ko. Yun pala, yung kahon, tinanggal, sinipa.”

Sinipa umano ni Billy ang kahon na pagbabagsakan sana niya. Sabi naman ni Billy, utos daw ito ng kasamahan nilang TV host na si Bayani Agbayani.

Nagkaroon umano ng crack o lamat ang kaniyang spine, at kinailangan niyang magsuot ng brace sa loob ng 2 buwan. Noong Hulyo pa umano naganap ang naturang insidente at maayos naman na raw sila ni Billy.

Pinili na lamang umano ni Jeffrey na huwag nang magalit kay Billy, kay Bayani, o kung kaninuman.

"Para sa akin kasi noon, wala na akong naisip na magagalit ako dito, magagalit ako diyan. Alam mo 'yun? Parang ang unang inisip ko na lang na thank you Lord kasi safe pa rin ako sa kabila ng nangyari na pagbagsak ko, hindi ako nabaldado, 'di ba? Hindi na pumasok sa isip ko 'yun na mag-aaway-away pa kami dahil sa ganyan."

Nakita naman daw ni Jeffrey kung gaano ka-sinsero ang paghingi ng tawad ni Billy sa kaniya. Araw-araw daw itong nagtetext sa kaniya upang kumustahin siya. Biro pa nga, mukha pa raw silang mag-jowa dahil dito.

"From that day na naaksidente ako hanggang sa time na gumaling at totally healed ako… si Billy, walang tigil talagang mag-sorry. Para ngang mag-syota na kami noong time na 'yun. Isipin mo paggising ko may text na agad siya, 'Bro kamusta ka na? Ano pakiramdam mo? Sorry," sabi ni Jeffrey kay Ogie.

"Ang haba ng text niya, sabi niya, 'Bro, talagang pasensya ka na' ganyan, 'Kasalanan ko 'to.' Lagi niyang inaaming 'kasalanan ko 'to.' Sabi ko, 'Bro, wala tayong pag-uusapan tungkol diyan, nakita ko yung sinseridad mo na inaamin mong kasalanan mo.'"

Samantala, dahil dito ay tinawag na 'Bully Crawford' ng showbiz columnist na si Cristy Fermin si Billy.

BASAHIN: https://balita.net.ph/2021/11/25/cristy-fermin-tinawag-na-bully-crawford-si-billy-crawford-wala-na-kong-pakialam-dyan/

Nanawagan pa sila ni Manay Lolit Solis kay Cong. Albee Benitez na siyang may-ari ng Brightlight Productions na ipahinto na lamang ang LOL.