Umaabot na lamang sa mahigit 18,000 ang aktibong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Batay sa case bulletin #619 na inilabas ng Department of Health (DOH) nitong Martes ng hapon, Nobyembre 23, nabatid na nakapagtala sila ng 1,153 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Mas mataas ito kumpara sa 984 lamang na naitala nitong Lunes, Nobyembre 22.

Ayon sa DOH, dahil sa mga bagong kaso ng sakit, umaabot na sa 2,827,820 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.

National

Akbayan, kinondena isiniwalat ni SP Chiz na pagkatapos ng SONA lilitisin impeachment vs VP Sara

Sa naturang kabuuang bilang, 0.7% na lamang o 18,721 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman.

Sa mga active cases naman, 55.2% ang mild cases, 20.51% ang moderate cases, 13.8% ang severe cases, 5.8% ang critical cases at 4.7% ang asymptomatic o walang nararamdamang sintomas ng sakit.

Mayroon din namang 2,182 mga pasyente ang gumaling na sa karamdaman, kaya’t sa kabuuan, nasa 2,761,617 na ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 97.7% ng total cases.

Mayroon pa rin namang 195 pasyente na namatay dulot ng COVID-19.

Sa kabuuan, nasa 47,482 na ang COVID-19 deaths sa bansa o 1.68% ng total cases.

Mary Ann Santiago