'Grabe naman pala ang ginawa ni Ms. Gretchen Barretto kay Mico Aytona.'

Iyan ang bubungad na mga pahayag sa inilabas na TikTok video ng dating Kapamilya teen actor na si Mico Aytona na matagal nang nasa hiatus sa showbiz, kung saan, 'isiniwalat' niya ang ginawa sa kaniya ng sikat na socialite-actress na si Gretchen Barretto.

Sa simula nang video, makikitang seryoso si Mico, nakasuot ng itim na damit, at kitang-kita ang kaniyang mga tatttoo sa kaliwang braso. Para bang may kinikimkim siyang galit at matinding pasabog na isisiwalat laban kay La Greta!

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Screengrab mula sa TikTok/Mico Aytona

Aniya, sa mga nakakikilala raw sa kaniya, alam nilang hindi siya sanay sa pagsasalita ukol sa ibang tao, subalit minabuti na niyang basagin ang katahimikan.

"Hindi po ako sanay nang ganito. Pero kailangan ko na pong magsalita… dahil hindi ko na po kaya, sasabog na po ang puso ko. Sana po ay maintindihan n'yo po yung aking sasabihin, ah… bihira lang po ako maglabas ng kung ano ang nararamdaman ko dito sa social media," ani Mico.

Maya-maya, nag-call out na siya ng pangalan, at ito nga ay si Gretchen Barretto.

"Ms. Gretchen Barretto, unang-una po sa lahat, hindi ho tayo magkakilala. Hindi ho tayo magkaibigan, hindi tayo magkamag-anak. Pero bakit kailangan mo namang gawin sa akin 'yun, inaano ka ba? Nananahimik ako rito, tapos magkakaroon nang ganito… Sumosobra ka na, Gretchen Barretto!" sabay duro ni Mico.

Sa mga susunod na pahayag, malalaman na ang 'grand reveal' ni Mico.

"Kaya sana, makarating sa iyo 'to… gusto kong malaman mo… na napakasaya ko!" sabi ni Mico, at maya-maya, nag-iba na ang mood niya.

Masaya niyang kinuha at ipinakita ang isang sako ng bigas at isang kahon na naglalaman ng mga grocery items, na pa-ayuda ni Gretchen!

"Ms. Gretchen Barretto, maraming-maraming salamat!" ani Mico. "Grabe ka Ms. Gretchen Barretto, hindi namin maintindihan kung bakit ginagawa mo sa amin ito."

Maya-maya, inunbox na ni Mico ang laman ng kahon o 'love box'.

"Actually, hindi lamang ako ang nakatanggap nito, pati yung ibang mga katrabaho ko, nakatanggap na rin. Mga artista, ibang mga komedyante, mga performers, hosts… kaya nakakatuwa po, nakakatuwa po yung ginawa ninyo, Ms. Gretchen Barretto."

Ipinakita ni Mico ang mga grocery items na laman ng kahon. Halos kompletong-kompleto sa mga karaniwang pangangailangan sa bahay.

"Alam ko po hindi tayo personal na magkakilala, pero kilala ko po kayo bilang beterano sa industriya. Maraming-maraming salamat po sa inyong tulong at pakikisama po. Lahat po ng mga entertainers ay biniyayaan ninyo nang ganito," pasasalamat ni Mico.

Screengrab mula sa TikTok/Mico Aytona

Hangad ni Mico na pamarisan din ng iba si Gretchen, na kahit hindi niya kakilala ay hindi nag-alinlangang magpaabot ng tulong, lalo na sa mga kasamahan sa industriya.

Simula noong pandemya ay namimigay na si Gretchen ng mga paayuda niya sa mga artista, kolumnista, at iba pang mga taong nagtatrabaho sa industriya ng showbiz.