Umarangkada na nitong Lunes, Nobyembre 15, ang pilot implementation ng face-to-face classes sa may 100 pampublikong paaralan sa bansa.

Gayunman, wala pa umanong paaralan sa National Capital Region (NCR) ang kabilang sa nabanggit na balik-eskuwela.

Ikinatwiran ni Department of Education (DepEd) Assistant Secretary Malcolm Garma, wala pa silang napipiling paaralan sa Metro Manila upang lumahok sa dry run.

Tiniyak naman niya na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa 17 na alkalde sa Metro Manila upang matukoy ang mga naturang paaralan.

Target aniya nila na makakuha ng kahit isang paaralan sa bawat Metro Manila area na mailahok sa pilot run ng face-to-face classes.

“So 'yan muna ang titingnan natin at pag-uusapan natin, kung ano 'yung aktuwal na bilang na maisasama natin sa pilot face-to-face sa National Capital Region,” ani Garma sa isang television interview.

Matatandaang 100 paaralan ang paunang pinayagang makalahok sa pilot face-to-face classes simula nitong Lunes, sa mga lugar na low risk sa COVID-19 at ipinagpapalagay ng DepEd at ng Department of Health (DOH) na ligtas sa COVID-19.

Inaasahan namang 22 ring pribadong paaralan ang lalahok sa pilot run simula naman sa Nobyembre 22.

Mary Ann Santiago