Dinakma ng pulisya ang isang lalaking may-ari ng isang printing shop dahil sa umano'y paggawa ng mga pekeng vaccination card sa Isabela City sa Basilan nitong Huwebes.
Kinilala ni Isabela City Police chief, Lt.Col. Julpikar Sitin, ang suspek na si Ahamad Jamal Astian, 37, taga-Barangay Tabuk, Isabela City.
Aniya, dinampot ng mga pulis si Astian sa kanyang shop sa ikinasang entrapment operation nitong Nobyembre 11, dakong 7:00 ng gabi.
“He (Astian) is now detained at our headquarters and formal charges will be filed against him,” pahayag ni Sitin.
Isinagawa ang operasyon laban kay Astian nang ireklamo ito ng mga opisyal ngRural Health Unit sa Maluso sa naturang lalawigan dahil sa pag-iimprenta ng mga pekeng vaccination card at nakalagay ang pangalan ng kanilang opisina.
Inamin aniya ng suspek na gumagawa siya ng pekeng vaccination card at karamihan umano ng kanyang kliyente ay taga-Lamitan City at Maluso.
Nahaharap ang suspek sa kasongfalsification of public documents.
PNA