CAGAYAN-- Sikat ngayon sa Cagayan ang mga dedicated at masisipag na guro na binansagang Team Z Module Riders ng Rizal, Cagayan.

Sina Stive Lagua, team leader ng Team Z Module Riders, at apat na iba pang mga guro ng Illuru National High School (INHS) sa Rizal, Cagayan ay kilala sa pagiging mahabagin sa mga mag-aaral habang sinasakripisyo nila ang kanilang oras sa pagdadala ng mga module.

Probinsya

Suspek sa pinatay na 7-anyos na batang babae, nakainom bago upakan ang biktima!

Noong Disyembre 2020, ang mga guro ng Illuru National High School ay kailangang maglakad ng ilang kilometro, bitbit ang mga module at summative test kahit isang beses sa isang linggo para lang mapadali ang edukasyon ng kanilang mga estudyante sa Zinundungan Valley, na nasasakupan ng 3 barangay Masi, San Juan at Bural.

Ang mga residente, gayundin ang mga guro, ay kinailangang maglakad ng ilang oras upang marating ang malalayong barangay na ito ng bayan ng Rizal dahil ang kalsadang gawa sa graba ay hindi maaaring daanan ng mga sasakyang de-motor.

At kung umuulan, ang pagsubok ng mga guro ay nagiging mas mahirap o hindi sila maaaring maglakbay.

Pero pinabilis ng Department of Public Works and Highways sa Region 2 sa direktiba ng dating kalihim na si Mark Villar ang pagpapagawa ng daan patungo sa Zinundungan Valley.

Nagpapasalamat ngayon ang mga guro.

“Malaking impact nung nafeature kami sa Manila Bulletin, mas napabilis ang construction ng daan po," pahayag ni Stive Lagua.

At dahil sa agarang konstruksyon sa kahabaan ng Zinundungan Valley, maaari nang gumamit ng mga motorsiklo ang mga guro kung saan itinatag ang grupo ng Team Z Module Riders.

"For now every second week (Friday) of the month pumupunta kami doon pero pag need talaga,umaakyat kami sa bundok kahit anong araw for home visitation and follow up sa mga bata," ayon kay Lagua.

Tuwang-tuwa ang mga guro at mga magulang sa grupo.

“Wala man food delivery or parcel delivery mayroon namang module delivery thru the said riders composed of teacher,” sabi nila.

Ang mga guro ay nagsusuot din ng PPE sa tuwing sila ay namamahagi at nangongolekta ng modyul.

Dagdag pa ni Lagua, napaka-convenient na halos lahat ng kalsada sa Zinundungan Valley ay konkreto na.

"Mahirap ang daan at maputik noon kapag umuulan. Dati naglalakad kami, ngayon nagda-drive kami ng mga motorsiklo namin,"

Sinabi ni Lagua, ang kanilang principal na si Aleli Bayadog ay nagbahagi ng meryenda at gasolina para sa kanilang paglalakbay.

Ang apat pang guro ay kinabibilangan nina Estephen Balubal, Mcjohn Causing, Francisco Viernes at Junmark Licayu.

Nahihirapan pa rin ang mga guro sa kuryente at signal para sa kanilang cellphone.

“Iyong mga students namin kailangan pa nilang bumaba pag may assignment or pag may i-research,”

Liezle Basa Inigo