Matapos umurong ang Tokyo Olympics gold medalist na si Hidilyn Diaz, sina Olympian Erleen Ann Ando at Asian champion Vanessa Sarno ang inaasahang mamumuno sa koponan ng bansa na sasabak sa International Weightlifting Federation World Championships na gaganapin sa Tashkent, Uzbekistan sa Disyembre 7-17.
Nagdiwang ng kanyang ika-23 taong kaarawan noong Nobyembre 1, si Ando ay sasabak sa women’s 59-kg category, mas mababa sa 64-kg class na nilahukan niya sa Tokyo Games habang si Sarno naman ay lalaban sa parehas na -71 kgs class kung saan siya nagwagi ng gold sa Asian Championships.
Nauna nang nagpahayag si Diaz na hindi na sasali sa world championships dahil na rin sa kakulangan sa preparasyon.
“Whatever she [Diaz] decides, I’ll always go for it and respect her decision,” ayon kay Samahang Weightlifting ng Pilipinas President Monico Puentevella sa naging desisyon ni Diaz. “She has nothing to prove anymore, she won Olympic silver and gold. So if she competes or not, it’s the same—I respect her and all I want for her is to enjoy life after weightlifting,” anang opisyal.
Ang iba pang kasama nina Ando at Sarno na sasabak sa Tashkent ay sina Asian championships silver medalist Mary Flor Diaz (-45 kgs), Ellen Rose Perez (-49 kgs), 2019 SEA gold medalist Kristel Macrohon (-76 kgs), Margaret Colonia (-64 kgs), Fernando Agadin (-55 kgs), John Febuar Ceniza (-61 kgs), Dave Lloyd Pacaldo (-67 kgs) at John Dexter Tabique (- 96 kgs).
Nakatakda silang gabayan ng mga national coaches na sina Christopher Bureros, Richard Augusto at Roberto Colonia.
Marivic Awitan