Maaari umanong kumandidato si Davao City Mayor Sara Duterte para sa national post sa 2022 elections, gayunman, hindi sa ilalim ng kanyang regional party na Hugpong ng Pagbabago (HNP).

Ito ang paglilinaw ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez nitong Miyerkules matapos na i-withdraw ni Duterte ang kanyang kandidatura para sa pagka-alkalde sa Davao City at hinirang na magiging substitute niya ang kanyang kapatid na si Vice Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte.

Ayon kay Jimenez, ang HNP, na itinayo ng nasabing alkalde, ay isang regional party lamang kaya hindi maaaring tumakbo si Duterte sa national post sa ilalim ng naturang partido.

Aniya pa, maaari namang kumandidato si Duterte bilang isang independent candidate.

National

PISTON at Manibela, may transport strike ulit!

“Political party po 'yan (HNP) pero regional. So hindi siya puwedeng tumakbo sa national level except as an independent candidate,” paliwanag pa ni Jimenez, sa panayam sa telebisyon.

Dagdag pa ni Jimenez, sakali namang magpasya si Duterte na mag-substitute para sa isang national political party ay kailangang maging miyembro siya ng naturang partido bago ang Nobyembre 15.

“Ang kailangan lamang ay maging member siya ng political party noong taong isa-substitute niya. Ibig sabihin hahalili siya sa ibang tao, kailangan kapartido siya ng taong 'yon,” pahayag pa ni Jimenez.

Mary Ann Santiago