Hindi lang si Megastar Sharon Cuneta ang nagbabalik-telebisyon at mapapabilang sa mas lumalaking pamilya ng 'FPJ's Ang Probinsyano'.

Bukod sa pagtatalaga kay John Prats na magiging direktor na rin ng serye (cast member din siya rito), 'pasok na rin sa banga' ang dating child star na si John Wayne Sace na matagal-tagal na ring nasa showbiz hiatus o pamamahinga.

Ipinakilala na ang karakter ni Sace nitong Nobyembre 8. Pangako ng karakter nito, pagbabayarin niya ang taong pumatay sa kanyang kuya, na maaaring ang karakter naman ni Mark Abaya na napatay na rito.

Nitong Oktubre, kinapanayam ni Ogie Diaz si Sace sa kaniyang vlog kung saan ibinunyag ni Sace ang masalimuot na pinagdaanan niya nang malulong sa ipinagbabawal na gamot. Napasama pa siya sa watchlist ng pulisya. Aminado siyang mahirap talikuran ang bisyo. Nakakapraning daw kasi.

Tsika at Intriga

Luis, isa sa pinaka-qualified na artistang tumakbo, tumatakbo sey ni Jessy

Mula sa vlog ni Ogie Diaz
John Wayne Sace (Screengrab mula sa YT/Ogie Diaz)

“Napraning kasi nagkakapatayan na tapos malapit lang sa kabilang barangay."

“Hindi mo kasi siya matitigil kasi gusto mo lang itigil dahil napapraning ka. Hindi e. 'Yun pa nagbibigay ng lakas ng loob sa 'yo.” sambit niya.

Bagama't hirap, unti-unting pinilit ng aktor na makawala sa 'pagkaalipin' sa bisyo. Iniwasan niya ang mga barkada niya upang lumayo sa tukso.

Inisip na lamang ni Sace ang kaniyang mga anak.

“Parang ayoko na lang din siyang maalala kasi parang trauma na lang din ‘yung nangyari sa akin. Nakabuti rin naman. Nagkalapit-lapit kaming magkakamag-anak na dati halos galit-galit din."

"Ayoko dumating 'yung araw na 'pag malalaki na 'yung mga anak kong babae na madatnan nila 'yung tatay nila na ganito pa rin. Gusto ko naman maging proud sila sa 'kin."

Sa naturang vlog din, inamin ni Sace na nakulong siya ng 5 araw dahil sa isang kinasangkutang away-pamilya.

Sa unang araw umano sa kulungan, sa tabi ng inidoro daw siya natulog dahil sa siksikan ang halos 30 katao sa napakaliit na selda.

Naranasan din umano niyang mawalan ng pera, kaya sumagi sa isipan niyang mangholdap ng tao. Hindi lamang daw ito natuloy dahil umiyak ang biktima niya.

“Muntik na ako talagang mang-holdap dati. Hayan, nandiyan na, babae. Nag-iiyak lang. Naglulupasay. Kasi kakasuweldo lang no'n. Alam namin ang suwelduhan niya eh. Sabi ko, ’Tumayo ka na diyan.’ Tapos ‘yung kasama ko, nag-away kami,” kuwento ni Sace.

Isa lamang si Sace sa mga artistang 'naligaw ng landas' na binigyang-pagkakataon upang makabalik sa showbiz sa pamamagitan ng FPJ's Ang Probinsyano, kagaya nina CJ Ramos at Whitney Tyson.

Larawan mula sa IG/John Wayne Sace

Larawan mula sa IG/John Wayne Sace

Larawan mula sa IG/John Wayne Sace

Kinilala noon ang husay ng batang aktor sa Metro Manila Film Festival noong 2002 sa pelikulang 'Dekada ‘70' ng Star Cinema, na pinagbidahan nina Vilma Santos, Christopher De Leon, at Piolo Pascual. Hango ito sa nobela ng feministang manunulat na si Lualhati Bautista.

Napanood rin si Sace sa iba’t ibang TV shows sa ABS-CBN gaya ng 'Wansapanataym', 'May Bukas Pa', 'Guns and Roses', at 'Forevermore'.