Kung sumiklab ang beterana at premyadong aktres na si Jaclyn Jose sa mga banat ni Albie Casiño laban sa anak niyang si Andi Eigenmann, hindi naman umano feel ng madir ni Albie na si Rina Casiño na makipagbardahan ng talakan sa social media, at sulsulan pa ang mga ningas sa isa't isa.

Nagpaunlak pala ng panayam si Mommy Rina kay Ogie Diaz sa kaniyang YouTube channel.

“Kausap ko si mommy Rina Casiño at naikuwento sa akin na sinabi raw ng husband niya na huwag ka nang magsalita, ‘truth will always prevail'", wika ni Ogie. Kuwento pa niya, knows naman daw ni Andi kung ano ang tunay na mga naganap sa kanila ni Albie. Napapaiyak na lamang daw ang madir ng aktor kapag naaalala ang ginawang pambubugbog kay Albie ng mga kaibigan ni Andi, noong kasagsagan ng isyu ng pagbubuntis nito noong 2011.

“Dati kasi pinagtatakpan ni Albie sa kanya si Andi. May mga times pa raw na sinasampal ni Andi si Albie pero itinago ito sa kanya ng anak niya. Kasi kapag nagagalit daw si Andi ganu’n,” buking ni Ogie.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Isiningit naman ng co-host niya na si Mama Loi na ang itinatalak naman ni Jaclyn, si Albie ang nananakit sa kaniyang junakis.

May palagay naman dito si Ogie: "Minsan kasi iba naman ang katwiran ng lalaki, hindi ko siya binugbog, inaawat ko lang siya kapag nagagalit kaya siya nagkakapasa. Hindi ba may mga ganoon, ipapakita ang mga pasa pero ang totoo inaawat lang ng lalaki kasi ayaw siyang saktan ng lalaki."

May isiniwalat pa raw si Mommy Rina sa kaniya na off the record na at saka niya ilalabas kapag may permiso na. Kaya hangad ni Ogie, sana ay maayos na ni Albie ang anumang gusot sa pagitan nila ni Andi, kapag nasa labas na ito ng Bahay ni Kuya. Isa si Albie sa mga housemates ng PBB: Kumunity Season 10.

Back to Mommy Rina, sabi ni Ogie ay bilang ina raw ay nauunawaan nito kung ano ang pinanggagalingan ni Jaclyn at nakapagsalita ito nang masasakit laban kay Albie. Kaya sana raw, pakiusap ni Ogie ay magkaayos na ang dalawang panig, tutal ay malapit na ang Pasko.