Kapapasok pa lamang ng hunk actor na si Albie Casiño sa loob ng Pinoy Big Brother House subalit tila may isang housemate na siyang 'kinaiiritahan' batay sa kanilang pag-uusap ng kapwa housemate na si Eian Rances, na ipinalabas sa Tuesday episode ng PBB: Kumunity Season 10 nitong Nobyembre 2, 2021.

Isyu umano kay Albie ang pagtatago ni Alexa Ilacad, kapwa housemate na since Day 1 ay nasa loob na ng Bahay ni Kuya, ng mga food items na gusto nito para sa sarili niya. Nagkainitan din sila sa pagpili ng 'peanut butter' para sa kanilang weekly food supply.

“Medyo ayoko kung paano siya umasta dito sa bahay. Hindi niya bahay ’to. Kailangan niyang alalahanin ‘yan," prangkang sabi ni Albie sa housemate na si Eian, habang sila ay nasa loob ng kulungan, na kanilang weekly task na nakabatay sa kanilang mga nagawang paglabag o violations sa loob ng Bahay ni Kuya.

“Ano, porke’t matagal na siya sa industriya, ganiyan na siya umasta? Matagal na rin naman ako sa industriya, hindi naman ako ganiyan umasta,” aniya.

Tsika at Intriga

Chloe San Jose, mas pinipiling maging 'authentic' na tao kaysa people-pleaser

Pinayuhan naman ni Eian si Albie na habaan na lamang ang pasensya upang hindi ito pagmulan ng anumang conflict o bardagulan sa loob ng bahay.

"Dude, ayoko siya kung paano siya umasta dito. Saka hassle pa kasi siya pa ’yung pinakakilala ko rito. Happy pa ako noong una na makakasama ko siya. Tapos siya pa ’yung pinakairita ako sa lahat," pagpapatuloy pa ni Albie.

Nagkasama na sila ni Alexa sa isang proyekto bago ang PBB. Ito ay ang 'Init sa Magdamag' na pinagbidahan nina Gerald Anderson, Yam Concepcion, at JM De Guzman na natapos na rin bandang Setyembre nitong 2021.

Sa mga naunang episode, inamin ni Albie na may kondisyon siya na tinatawag na 'Attention-Deficit/Hyperactivity Disorder' o ADHD.

Bago pa man umalagwa ang pagpapakatotoo ni Albie sa PBB House, may 'unsettled issue' pa siya sa kaniyang paglabas sa outside world, sa mga kaanak ng dati niyang karelasyong si Andi Eigenmann, kung saan sinabi niyang kung mapag-uusapan man ito sa loob ng Bahay ni Kuya, 'no hold bars' na siya.

Kaugnay ito sa pagkakasangkot umano ni Albie sa pagbubuntis ni Andi noong 2011, na di-naglaon, napatunayang si Jake Ejercito pala ang ama.

Nagbanta si Jacklyn Jose kay Albie, at maging sa direktor ng PBB na si Direk Lauren Dyogi, na huwag nang idamay pa ang nananahimik na buhay ng anak, kapiling ang pamilyang binuo nito kasama ang partner na si Philmar Alipayo, na naninirahan na sa Siargao.

Samantala, nakaabang na ang mga PBB fans kung matutuloy ba ang bardagulan nina Albie at Alexa sa mga susunod na episodes.