Ibinahagi ni dating StarStruck contestant noong 2006 at Pinoy Big Brother o PBB Lucky Season 7 housemate noong 2016 na si Jesi Corcuera ang kaniyang kasiyahan dahil sa wakas ay 'malaya' na siya sa pagiging isang ganap na transman.

Sa kaniyang Instagram post, ipinakita niya ang naghihilom na tahi sa kaniyang dibdib matapos sumailalim sa surgery, na bahagi ng kaniyang transisyon. Nagsimula siya sa pagdedesisyong maging transman noong 2013.

"Hindi maitagong ngiti. Mga ngiti na walang katumbas na halaga. Maaaring hindi ninyo maintindihan ang sayang aking nararamdaman. Pero sa likod ng mga hiwa sa ilalim ng aking dibdib. 'yan ang simbolo ng aking kalayaan. Kalayaan sa mapanghusgang lipunan. Para sa mga tulad kong parte ng makulay na bahaghari, huwag kayong titigil makamit ang inyong kalayaan at kasiyahan."

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Larawan mula sa IG/Jesi Corcuera

Pinasalamatan niya ang mga naging bahagi sa kaniyang transisyon, lalo na ang doktor na nagsagawa ng surgery sa kaniya, at ang jowa niyang si Camille.

"Maraming salamat sa suporta mula sa aking pamilya at sariling pamilya kasama ka @corcueracams At sa nag-iisang duktor na hindi sumuko at nagtiwala sa akin Dok @docyappy Mahal ko kayo!"

"WHAT WOULD I DO WITHOUT YOU IN MY LIFE. Thank you for everything for taking good care of me kahit na di ko na mahugasan pwet ko dahil sa surgery ko. I love you whatever happens may tampuhan man minsan. Sorry sa mga pagkukulang ko. I'm so grateful to have you Mahal."

Larawan mula sa IG/Jesi Corcuera

Una na niyang ipinasilip ang tahi sa kaniyang dibdib sa kasagsagan ng pagdiriwang ng 'Pride Month', sa kaniyang IG post noong Hunyo 4.

"Pride month na! And sarap sana rumampa nang malaya sa Pride March. At dahil diyan flex ko lang din scar ko. Dahil sa mga scar na ito, mas na boost confidence ko at walang takot na harapin ang mapanghusgang mundo. Ikaw, anong kwento ng scar mo? Shout out na rin sa best surgeon Dok @docyappy #happypridemonth."

Matatandaang bukod kay Jesi, isa rin sa mga sumailalim sa surgery ay si Jake Zyrus o mas sumikat bilang Charice Pempengco.