QUIRINO - Patay ang isang 50-anyos na babae at anak na lalaki matapos masalpok ng fuel tanker truck ang sinasakyang motorsiklo sa Barangay La Paz, Saguday, nitong Miyerkules.

Dead on the spot si Joel Tagarino, 20, security guard, at binawian naman ng buhay sa ospital ang inang si Dionisia, kapwa taga-Diffun, Quirino, dahil sa matinding pinsala sa kanilang ulo at katawan.

Isinugod din sa pagamutan ang anak ng ginang na si Leah Joy, 17, matapos mabali ang braso nito.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng fuel tanker truck na si Rhonel Tampos, 35, taga-San Isidro, Montalban, Rizal matapos sumuko pagkatapos ng aksidente.

Probinsya

Babaeng sumagip ng naaksidenteng aso, patay sa bundol ng van

Sa panayam kay Saguday Police chief, Capt. Alex Orbillo, pauwi na sana ang mag-iina lulan ng motorsiklo na minamaneho ni Joel nang masalpok ito ng nasabing truck sa national highway.

Tinangka umanong iwasan ng truck ang motorsiklo, gayunman, nabangga pa rin ito.

Nahaharap na si Tampos sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, ayon pa sa mga awtoridad.

Liezle Basa Iñigo