Pinalawig na ng Commission on Elections (Comelec) hanggang sa susunod na buwan ang voter registration sa bansa para sa May 9, 2022 national and local elections.

“Extension is unanimously approved,” ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez.

Inihayag naman ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na ang pagpapalawig ng voter registration ay itinakda ng poll body mula Oktubre 11 hanggang 30, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.

Wala na aniyang voter registration ng Sabado at Linggo, maliban na lamang sa Oktubre 30, na natapat ng araw ng Sabado, at kung kailan magbubukas sila ng hanggang alas-5:00 ng hapon.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nauna nang sinabi ni Comelec chairman Sheriff Abas na inaprubahan na ang pagpapalawig ng voter registration extension mula Oktubre 9 hanggang 31.

Gayunman, ang Oktubre 9 ay natapat sa araw ng Sabado, habang ang 31 naman ay natapat sa araw ng Linggo.

Idinagdag naman ni Guanzon na ang reactivation ay maaari pa ring gawin sa pamamagitan ng e-mail o personal appearance sa Comelec office.

“Voter registration extensionOct 11to Oct 30 No Saturdays except Oct 30 8am to 5pm. Monday to Friday 8am to 5pm. Reactivation still thru email or personal appearance,” tweet pa ni Guanzon.

Matatandaang ang voter registration ay nakatakda na sanang magtapos ngayong Setyembre 30, 2021, gayunman, nagpasya ang Comelec na palawigin pa ito bunsod na rin ng kahilingan ng mamamayan, gayundin ng Senado at Kamara.

Ani Abas, hindi naman muna magkakaroon ng voter registration mula Oktubre 1 hanggang 8 dahil ang naturang mga petsa ay itinakda ng Comelec para sa paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga kandidato para sa halalan.

Umaabot na sa 63,364,932 ang registered voters para sa May 9, 2022 elections.

Mary Ann Santiago