Sinabi ng kilalang showbiz columnist at talent manager ni Paolo Contis na si Manay Lolit Solis na matalik na magkaibigan lamang ang kaniyang alaga at si Yen Santos, sa radio program na 'Take It Per Minute' kasama sina Cristy Fermin at Mr. Fu.
Ayon kay Manay Lolit, 'mother figure' umano si Yen.
"Best friends sila ni Yen. Mother figure si Yen. At si Yen ang masarap kausap buong maghapon… hanggang gabi, " ani Manay Lolit sa pabirong tanong ni Mr. Fu kung bakit hindi siya ang inaya ni Paolo sa Baguio, kung hindi si Yen.
Humirit pa si Mr. Fu: "So, friend niya talaga si Yen?"
May ilang segundo pang nag-isip si Manay Lolit bago tumugon: "Sobrang friend!" na ikinatawa nina Cristy Fermin at Mr. Fu.
Subalit sa sumunod na mga pahayag ni Manay, nagtataka siya kung bakit kinailangan pang magpunta ng dalawa sa Baguio para lang mag-usap, 'as friends.'
Sumegunda naman ng tanong si Cristy kay Manay: "Naniniwala ka ba na noong ginagawa nila ang 'A Faraway Land', nagkaroon ng pag-iisa? Alam mo na kung ano ang ibig kong sabihin…"
"Puwede… kasi malamig at malungkot doon eh… saka yung mga eksena, tempting… naging 'fun friend' sila," tahasang sabi ni Manay Lolit na ikinapalakpak naman nina Cristy at Mr. Fu.
"Ibig sabihin bilang malamig yung lugar na 'yon, tapos wala na sila sa lugar na 'yon, kung kaya sila nag-Baguio? Namiss nila yung kalamigan doon, 'di ba?" tanong ni Mr. Fu.
"Puwede… puwede…" kaswal na sabi ni Manay Lolit.
Para naman kay Manay Lolit, basta batay sa kaniyang karanasan, kapag ang isang lalaki ay may pinagdaraanang problema, ang unang tatawagan o hihingan ng sama ng loob ay kaibigan ding lalaki.
Saad naman ni Cristy, baka dahil naisip ni Paolo na maiintindihan ni Yen ang kaniyang pinagdaraanan dahil babae ito, at masasabi nito ang pinagdaraanan din ni LJ Reyes sa kanilang relasyon, na hindi rin naman nailatag. Sa panayam kasi ni Boy Abunda kay LJ, lumalabas na si Paolo ang nagbago at nanamlay sa kanilang relasyon.
Inuntag naman ni Manay Lolit kay Cristy kung hiwalay na ba si Yen sa naiuugnay sa kaniyang politiko. Spluk ni Cristy, matagal na pala silang hiwalay: as in wala nang sustento. May iba na raw kinahuhumalingan ang politiko na anumang oras ay 'LILIPAD' na sa himpapawid.