Binahagi ni Presidential spokesman Harry Roque nitong Martes, Setyembre 7, ang “A-“ rating ng Pilipinas sa Japan Credit Rating Agency (JCRA) at ang pagbaba ng 6.9 percent sa unemployment rate ng bansa.
Sa isang virtual press briefing, positibong inulat ng opisyal ng Palasyo ang credit rating ng bansa.
“We maintained our A- rating with a stable outlook. According to JCRA, and I quote, ‘Once the pandemic gets subdued, the country’s potential growth will recover and the economy is expected to return to a high growth path,’”sabi ni Roque.
Ang JCRA, na malaking bagay para sa mga Japanese investors, ay nagbigay pa rin ng A- credit rating sa Pilipinas sa kabila ng malamyang ekonomiya dala ng epekto ng pandemya.
Matatandaan nitong Hulyo, nirebisa ng Fitch Ratings, isa sa pinakamalaking credit rating agencies sa mundo, ang pananaw nito sa ekonomiya ng Pilipinas mula “stable” hanggang “negative.”
Dahil sa pagbabago ng outlook ng Fitch, pinangangambahan ang kauna-unahang rating downgrade ng Pilipinas sa loob ng 16 na taon.
Samantala, pinunto rin ni Roque ang pagbaba ng unemployment rate ng bansa mula 7.7 percent nitong Hunyo hanggang 6.9 percent nitong Hulyo 2021.
“Ito ay naging ganito po dahil rin po sa pag-alis natin ng mga quarantine restrictions, pagpaluwag ng ating ekonomiya. Sana po patuloy na ang pagbubukas ng ekonomiya nang mas marami pa sa atin ang magkaroon ng hanapbuhay,” sabi ni Roque.
“We are aiming for total health po. Hindi naman po pupwede na habang napapababa ang kaso ng COVID-19, eh dumarami ang hanay ng walang trabaho at hanay ng mga nagugutom,” dagdag niya.
Habang nanatiling banta ang Delta variant, layon na rin ng gobyerno ang muling pagbubukas ng ekonomiya, ayon sa opisyal ng Palasyo.
Nagtala ng 18,012 bagong kaso ng COVID-19 ang Pilipinas nitong ngayong Martes.
Raymund Antonio