Mukhang may ibang babae naman ngayon ang itinuturong third party umano at idinadawit sa hiwalayang paolo Contis at LJ Reyes, sa katauhan ng dating live-in partner ng aktor na si Jomari Yllana, na si Joy Reyes.

May mga 'Marites' kasi na binabanggit ang pangalan ni Joy sa gitna ng alegasyon at panghuhula kung sino nga ba ang babaeng 'ahas' sa relasyon ng dalawang Kapuso stars na nagsaulian na nga ng kandila sa isa't isa. Tatlong netizens umano ang nagsabi sa kaniyang trending siya, at siya umano ang 'third party' kahit na si Yen Santos ang itinuturo ng marami.

Labis itong itinanggi ni Joy dahil hindi niya umano kakilala nang personal sina Paolo at LJ.

"That's ridiculous, I don't know them," sagot niya sa netizens.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Screenshot mula sa Twitter/Joy Reyes

Subalit ayaw siyang tantanan ng mga echoserang 'Mosang.' Iginiit pa sa kaniya na siya umano ang nasa blind item na pinupunta-puntahan ni Paolo at nag-oovernight pa. Mukhang magaling sa 'connect the dots' ang netizen na ito, dahil naikonekta pa ito sa pahayag noon ni Jomari "noong may issue si girl sa naputulan ng Meralco (kuryente) ang house nila." Nabanggit umano ang pangalang 'Paolo.'

Nilinaw naman ni Joy na nagsampa siya ng reklamong libelo laban kay Jomari at paglabag sa Violence Against Women and Children Act dahil sa isyu nila noon.

Ang tinutukoy na isyu sa pagitan nina Jomari at Joy ay ang palitan nila ng maaanghang na salita noong Enero 2021 sa social media. Akusasyon kasi ni Jomari, may mga male celebrity friends umano si Joy na pinapapunta sa bahay nila. Subalit hindi naman nagbitiw ng pangalan noon si Jomari kung sino ang tatlong male celebrities na nag-oovernight sa bahay nila ng dating live in partner.

Pinaratangan naman ni Joy si Jomari na hindi tinutupad ang tungkulin nito bilang ama sa kanilang dalawang anak na lalaki. Aniya, naputulan sila ng kuryente dahil napabayaan ang kanilang electric bill na umabot sa ₱100,238.38. Takang-taka naman ang actor-politician kung bakit umabot sa ganoong kalaking halaga ang electric bill na kailangang bayaran.

Samantala, may nagtanggol naman kay Joy laban sa mga paratang ng netizens na ito. Siya si Billy Gata na nagpakilala matalik na kaibigan niya. Pinatunayan nitong hindi magkakilala sina Paolo at Joy.

Samantala, hanggang ngayon ay hindi pa ipinaliliwanag nang buo ni Paolo ang kaniyang panig hinggil sa isyung kinasasangkutan niya.