Mukhang balak mapabilang ng ex-boyfriend ni Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo na si Neil Salvacion sa season 10 ng 'Pinoy Big Brother' na tatawaging 'PBB Kumunity Season 10' sa Kapamilya Network. Nagpadala siya ng kaniyang audition video nitong September 7 para sa naturang reality show.

Subalit hindi nakaligtas sa mapanuring tenga ng netizens ang tila pasaring umano nito kay Rabiya. Sa audition video, makikitang nakasuot ng hospital uniform si Neil habang sumasayaw-sayaw. Maya-maya, ipinakilala na niya ang sarili bilang si Neil Salvacion, 27, isang frontliner mula sa Iloilo City.

neil salvacion – Manila Bulletin
Rabiya Mateo at Neil Salvacion (Larawan mula sa Manila Bulletin)

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

“Galing po ako sa hospital. Medyo maraming pasyente pero kayang-kaya," aniya.

“Ako po ay isang COVID nurse na dapat ay mag-a-abroad, pero mas piniling manilbihan dito sa bansa bilang frontliner. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ang buhay ko po ay hospital, bahay. Minsan ay masisilayan mo yung mga huling hininga ng mga pasyente," pagdidiin niya.

“Dumating ang panahon na bawal kang lumapit sa mga mahal mo sa buhay dahil hindi mo alam kung positive o negative ka. Kailangan mong mag-isolate. Nakakalungkot man na kailangang ma-isolate ng ilang buwan.”

Subalit ang makahulugang pahayag ni Neil sa bandang dulo ang nakapukaw sa atensyon ng marami: dahil parang 'humuhugot' ito sa naging breakup nila ni Rabiya. Binanggit kasi niya na mas malungkot maiwan ng taong minamahal lalo na't may pangarap itong 'korona.'

“Mas nakakalungkot pala na maiwan ka ng taong minamahal mo dahil sa pangarap nitong korona. Ang coronavirus at korona sa patimpalak ay ilan lamang sa mga hamon sa aking buhay. It’s about time to share my story, how I conquered them, and how I will inspire other people. Bagong bahay, bagong buhay, bagong mga hamon sa buhay," wika niya.

Neil Salvacion (Screenshot mula sa YT/Kapamilya Online Live)

Matatandaang naghiwalay ang magjowa noong Mayo 2021, matapos sumabak si Rabiya sa Miss Universe 2020 sa Amerika. Napansin kasi ng netizens na inunfollow ni Neil si Rabiya sa Instagram at binura nito ang mga larawan nila, bagay na nagiging trend na rin ngayon bilang palatandaan ng hiwalayan sa showbiz (Heaven Peralejo at Kiko Estrada/Paolo Contis at LJ Reyes).

Kinumpirma naman ni Neil na wala na sila ni Rabiya noong June 4. Pitong taon din umano silang naging magjowa. Hindi naging malinaw ang dahilan ng kanilang hiwalayan, subalit inamin ni Rabiya na kumplikado umano ang kanilang relasyon.

Samantala, wala pang reaksyon o komento si Rabiya hinggil sa audition video ni Neil, o maging sa balak nitong maging housemate sa panibagong season ng PBB.