Kinapanayam ni Mama Ogie Diaz sa kaniyang entertainment vlog ang isa sa mga miyembro ng grupong 'Gwapings' na si Eric Fructuoso.

Ipinakita ni Eric ang ilan sa kaniyang mga 'words of wisdom' pagdating sa pagmamagulang. Ikakasal na kasi ang kaniyang panganay na si Frederick sa girlfriend nito, at magiging lolo na siya sa edad na 44.

Screenshot mula sa YT/Ogie Diaz

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Ibinahagi ni Eric ang kaniyang obserbasyon hinggil sa pagmamagulang. Aniya, tumitigas daw ang ulo ng anak kapag pinagbabawalan masyado. Aminado kasi siyang 'pasaway' rin siya noong kabataan niya. `1 Kaya ang estilo raw niya, sinabi umano niya sa anak niya na gawin nito ang anumang gusto, huwag lamang sasaktan ang damdamin niya at ng lola nito.

Sa tanong naman ni Ogie kung kumusta ang relasyon niya sa dalawang ex-partner niya, sinabi ni Eric na maayos naman ang kanilang komunikasyon sa isa't isa. Sa katunayan, surpresa pa siyang nagtungo sa birthday celebration ng kaniyang panganay sa unang hiniwalayang asawa, at nag-sorry umano siya dahil sa pagiging 'jerk' niya noon.

"I was so irresponsible, syempre, sobrang bata ko pa noon eh," ani Eric. Sinariwa rin niya ang bonding moments nila ng kaniyang anak, at medyo naiyak pa siya sa pagkukuwento, dahil sinabihan siya ng anak na ang huling bonding nila ay noong 3 years old pa lang ito.

Eric Fructuoso (Screenshot mula sa YT/Ogie Diaz)

Eric Fructuoso (Screenshot mula sa YT/Ogie Diaz)

"I was proud of myself kasi nagising-gising na 'ko. Nagising na ako sa reality na it takes a real man to admit his own fault eh, his own errors eh. I was proud of myself kasi, biruin mo nag-sorry ako, 'di ba?" aniya.

Sumang-ayon naman daw ang unang partner niya na mag-bonding silang tatlo ng anak niya, pero syempre, may iba na rin kasing karelasyon ito, kaya medyo hinay-hinay lang.

Inamin din ni Eric na takot siyang tumanda. Sinaliksik pa niya ang tawag dito, at ito ay 'gerascophobia.' Kaya sabi niya, mas gusto niyang maging makulit kaysa maging masyadong seryoso sa buhay. Biro pa niya, magpapaganda na siya ng katawan dahil goal niyang maging 'hot lolo.'

Sumunod namang tinalakay ni Eric ang kaniyang recent family. Tanong ni Ogie, "Eric, bakit hindi kayo nagiging forever ng mga nagiging nanay ng mga anak mo?"

Sagot ni Eric, "Well, noong una, given, bata pa lang ako, talagang wala akong… alam, feeling ko alam ko, pero hindi pala… sa wife ko naman, ang sabi niya sa akin, pareho pa kaming hindi mature."

"Sino ba nagma-mature? Ako nga, 44 years old, kapag tinanong ako 'Kailan ka nag-mature?' 'Kanina lang,' kasi marami tayo natututunan eh, yung alam natin kahapon, maaaring mali pala kaysa sa alam natin today. Bukas, another day of maturity. Bakit? Maturity naman is not being old. It's about taking responsibilities for everything, knowing your obligations, 'di ba, ganoon ang maturity eh. It's not about age," paliwanag ni Eric.

"Noong nag-separate kami, two to three months in and out ako ng mga murang hotel. Dala ko lagi mga maleta ko kung saan ako pumunta. Nang time na yun, wala akong kotse. Biruin mo, minsan mag-taping ako sa Quezon City tapos mag-check-in ako sa Alabang para malapit ako sa mom, kasi umaasa pa ako, kuwento pa niya.

May panahon pa umanong nakitira siya sa bahay ng kaibigang si Arnel Cowley, na nabiyudong asawa ng aktres na si Isabel Granada.

"It was hard. Going through a separation, magigising ka natutulog ka sa sahig," pag-amin ni Eric.

Sa ngayon ay nakahanap na si Eric ng bahay na rerentahan. Doon umano nakapagmuni-muni si Eric sa mga nagawa niyang pagkakamali.

Hanggang sa inayos ni Eric ang sarili at mga prayoridad niya sa buhay. Aniya, nakiusap siya noon sa asawa na bigyan siya nang kaunting palugit na isang taon dahil tantiya niya ay siya makapagbibigay ng sustento sa sa apat nilang anak, dahil balak niyang magtayo ng negosyo. Wala rin kasing nakaabang na proyekto para sa kaniya dahil sa kasagsagan ng isyu ng ABS-CBN franchise. Ang huling teleserye na kinabilangan ni Eric ay 'Kadenang Ginto' mula sa naturang network.

Mula umano sa pagbebenta ng shirt at cap merchandise, unti-unti ay nakapagpundar siya ng shop para sa mga gamit sa motor.

Nakabangon siya kahit paano. Nakapagbibigay na umano siya ng pera para sa kaniyang mga anak.

Eric Fructuoso (Screenshot mula sa YT/Ogie Diaz)

Napagtanto rin niya umano ang kahalagahan ng pagtitiwala at pagbuo ng matibay na relasyon sa Poong Maykapal.

"He will provide no matter what. Buong pandemic, wala ako inutangan," saad ni Eric.

Sa palagay ni Eric ay wala nang pag-asang magbalikan sila ng kanyang asawa. Sa kabuuan ng vlog ay hindi niya talaga ibinigay nang malinaw ang dahilan ng paghihiwalay nila ng kaniyang misis.

Inamin niyang nagkaroon siya ng bagong karelasyon, pero naghiwalay rin daw sila kamakailan. Naniniwala umano siya ngayon na hindi niya na kayang makahanap ng katuwang sa buhay.

Ngunit sino nga ba ang tinutukoy niyang nakarelasyon at hindi nagtagal?

Kamakailan lamang ay nasangkot sa isang isyu si Eric kaugnay sa mommy vlogger na si Via Austria na madalas niyang nakaka-collab sa TikTok.

Basahin: https://balita.net.ph/2021/08/22/eric-fructuoso-at-vlogger-via-austria-may-relasyon-nga-ba/

Naispatan umano silang magkasama nang personal ng naturang mommy vlogger.

Kasabay nito, lumabas ang vlog ng pag-amin ni Via na 'on the rocks' ang relasyon nila ng kaniyang mister na si “Daddy Al Austria,” na may pinamagatan niyang “CHANCE,” na umere noong Agosto 20, 2021.

Mapapanood sa vlog na umiiyak si Mommy V habang nagkukuwento siya na umano’y may pinagdaraanan nga sila ni Daddy Al, isang family problem. Hindi niya ibinigay ang buong detalye ngunit aniya, inaayos na umano nila ni Daddy Al ang kanilang problema.

Dumating umano sa punto na nakalimutan niya kung sino at ano ang kailangan niyang gawing priority, na dapat daw ay pamilya niya, lalo na sa asawa niya.

“Isang araw, bigla na lang akong tinapik ni Lord… sa isang maling desisyon, puwedeng mawala sa iyo lahat… puwedeng-puwedeng mawala sa iyo lahat… pero inaayos ko na, aayusin ko… kasi… mahal ko ang pamilya ko. Naligaw ako…” hindi na napigilan pa ni Mommy V ang pagbuhos ng emosyon sa bahaging ito ng kaniyang vlog.

Screenshot mula sa YT/Via Austria

Ipinangako niya sa kaniyang mga subscribers na unti-unti niyang ibabalik ang Mommy V na minahal nila. Nagpasalamat siya sa followers na nag-stay at piniling mag-stay upang suportahan siya. Marami umano ang nagpapadala ng mensahe ng pagsuporta sa kaniya.

Samantala, sa Instagram post naman ni Daddy Al ay mababasa ang iba’t ibang mga parinig at patutsada sa hindi niya pinangalanang tao, na tinawag niyang “home wrecker.”

“Don’t ruin other people’s happiness just because you can’t find your own,” saad niya sa isang IG story.

“Every coin has two sides, just like most people have two faces…” dagdag pa niya.

“Home wreckers don’t care if they wreck a relationship and they don’t care if they hurt you or your family. They don’t care about anyone else’s happiness, they only care about themselves and their own happiness,” ayon pa sa My Story ni Al. Alegasyon ng mga netizens, si Eric nga ang pinapatungkulan ng mga cryptic posts na ito, subalit hanggang ngayon ay wala namang mailabas na patunay o mas malinaw na pruweba.

Screenshot mula sa TikTok/IG/Al Austria

Eric Fructuoso at vlogger Via Austria, may relasyon nga ba?
Eric Fructuoso at Via Austria (Larawan mula sa Balita Online)

Samantala, hanggang ngayon ay walang inilabas na opisyal na pahayag mula sa kampo ni Eric hinggil sa isyung idinadawit sa kaniya, kaugnay ng family problem nina Mommy V at Daddy Al.