'Talk of the town' ngayon ng mga 'Marites' sa online world ang hiwalayang Paolo Contis at LJ Reyes, matapos ang anim na taong pagsasama, at pagkakaroon ng isang junakis.

Bago nagtagpo ang mga landas nina Paolo at LJ, naging kontrobersyal din ang pare-parehong love life ng dalawa. Marami nang mga sikat na female celebrities ang naging ex-gf ni Paolo gaya nina Carol Banawa, Desiree Del Valle, Nancy Castiglione, Isabel Oli, at Lian Paz. Panghuli na nga si LJ, kung matutuloy na talaga ang kanilang hiwalayan at hindi na ito maaayos pa (huwag muna isama kung may third party man).

Si LJ naman, ang nakarelasyon ay sina Mike Tan, Alfred Vargas, at Paulo Avelino kung saan nagkaroon sila ng anak na si Aki. Panghuli si Paolo Contis.

Nagsimulang pumutok ang isyu ng espekulasyong 'on the rocks' ang relasyon nina Paolo at LJ nang i-unfollow ni Paolo si LJ sa kaniyang mga social media accounts noong August 19. Pati ang mga larawan nila ni LJ, burado na rin. Tinanggal din niya ang mga larawan ni Aki, ang anak nina LJ at Paulo Avelino. Maging si LJ, ganito rin ang ginawa kay Paolo, kaya lalong umusok ang apoy na 'there is something wrong.'

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Dahil sumabay ang isyung ito sa pagpapalabas ng pelikulang 'A Faraway Land' nina Paolo at Yen Santos, nabaling tuloy ang atensyon ng publiko kay Yen. Marami ang nagsabing baka si Yen ang third party, lalo't nagkasama ang dalawa nang matagal sa Europe kung saan kinunan ang mga eksena sa naturang pelikula. May mga nagpahayag pa nga na baka promo lamang ang ginawa ni Paolo na pag-unfollow kay LJ para panoorin ang kaniyang pelikula, lalo't wala pang lumalabas na kumpirmasyon mula sa dalawa, kung may katotohanan ang balita.

THE REVELATION: LJ Reyes spills details of split with Paolo Contis – Manila  Bulletin
LJ Reyes at Paolo Contis (Larawan mula sa Manila Bulletin)

Noong August 23, lumabas ang kumpirmasyon mula mismo sa talent manager ni Paolo na si Manay Lolit Solis na hiwalay na nga ang kaniyang alaga kay LJ. Aniya, wala umanong third party involved. Sadyang na-'outgrow' lamang ang feelings ni Paolo para kay LJ.

Subalit ayaw paawat ng mga Marites, dahil talagang hindi sila naniniwala na walang third party o walang malalim na dahilan ang hiwalayang ito. Marami ang nagbigay ng espekulasyon na may ibang babae si Paolo o kaya naman ay may problema umano sa pera ang magpartner.

Nag-ambag pa sa pagkalito ng mga netizens ang naging episode ng morning talk show na 'Mars Pa More' kung saan naimbitahang maging guest co-host si LJ. Kasama rin nila ang mga Kapuso newbies na sina Shayne Sava at Kim de Leon.

Naglaro ang mga hosts at guests ng programa ng "Shot o Sagot." Dito ay kailangan nilang inumin ang nakalagay sa shot glass kung wala silang maisasagot sa tanong.

Nang si LJ na ang kailangang sumagot, utos sa aktres na banggitin ang pinakamatinding dahilan kung bakit sumama ang loob o nagalit sa kaniya ni Paolo Contis.

Natatawa at mabilis na sumagot si LJ, "Wala. Ang bait ko eh."

Kaya naman dinugtungan ito ni Camille ng tanong kung may nagawa ba siyang pinagtampuhan naman ni Paolo. Ayon pa kay LJ, hindi naman umano matampuhin ang kaniyang partner.

Muling tanong ni Camille, "Ano lang?" At medyo nag-isip di LJ, at ang itinugon niya ay 'Wala." Dahil walang maisagot at maikuwento si LJ, kinailangan niyang pumili ng iinumin na nakalagay sa shot glass upang inumin.

Samantala, sa isa pang hiwalay na pahayag, sinabi ni Manay Lolit Solis na huwag idamay si Yen Santos sa isyu. 'Open secret' naman umano sa publiko kung sino ang tunay na karelasyon ng Kapamilya actress. Iniuugnay si Yen sa isang napakayamang pulitiko at negosyante mula sa isang lalawigan na nasa bandang Norte ng Pilipinas.

Yen Santos, walang kinalaman sa hiwalayang Paolo-LJ—Lolit Solis
Yen Santos, Paolo Contis, at LJ Reyes (Larawan mula sa Balita Online)

Habang hinihintay ng mga Marites ang opisyal na kumpirmasyon ng magkabilang kampo, iba't ibang tsismis na ang lumutang hinggil sa totoong dahilan ng kanilang paghihiwalay.

Naungkat ng mga Marites ang tungkol sa isang blind item sa defunct na Facebook group na 'Tsismosang Kapitbahay' kung saan naispatan umano ang isang aktor na may inisyal na "PC" at isang aktres na si "YS" na literal na magkaiba ang pinaglilingkurang TV network at hiwalay ding nag-check in sa isang hotel.

Sa segment naman ng 91.5 Radio Manila na "Usapang Showbiz" na kumakalat ngayon sa TikTok, na-ispluk ni Kuya Jay Machete ang isang blind item tungkol sa isang komedyanteng aktor na may asawa at anak na, na 'kalandian' umano ang ex-gf ng isang actor-politician.

Regular umano silang nagpupunta sa bahay ng naturang ex-gf ng actor-politician, at nag-oovernight pa raw ang komedyante. Ang masaklap pa raw, ang nagbabayad sa renta ng naturang bahay ay ang actor-politician.

"Ginagawang 'biglang liko' yung bahay, grabe, gustong makalibre…" natatawang sabi ni Kuya Jay.

"Aba, itong si guwapong comedian, akala ko naman loyal ito, akala ko faithful ito. Ang ganda ng partner nito ah, tapos suma-sideline, kayo talagang mga lalaki, hindi na kayo nagbago, 2021 na! Kapag talagang sasawsaw sa iba, talagang G na G eh! Sabagay laman-tiyan din 'yun (tawa). Kilala n'yo na, kilala n'yo na?"

Maraming mga netizens ang humulang baka si PC ito, at ang tinutukoy namang ex-gf ng isang actor-politician ay si YS.

Maging ang kontrobersyal na si Christian Xian Gaza ay naglabas din ng isang TikTok video kung saan inispluk niya ang isang blind item, hinggil umano sa isang komedyanteng aktor na nalulong sa bisyo, kaya hindi na umano umuuwi sa bahay nila ng kaniyang kapareha. Mahilig na umano itong pumarty-party sa mga in-house ganap. Umaabot pa umano ng tatlong araw bago umuwi. Sa pag-uwi naman, laspag na laspag daw, mainit ang ulo, kaya nababaling sa kapareha at anak ang amats. Lumabas ito sa kasagsagan ng hiwalayang Paolo at LJ.

Subalit nitong September 1, tuluyan na ngang binasag ni LJ Reyes ang kaniyang katahimikan sa pamamagitan ng isang tell-all interview kay King of Talk Boy Abunda, sa kaniyang showbiz vlog na "The Interviewer."

Hindi man idinetalye nang buo, inamin na nga ni LJ na hiwalay na sila ni Paolo, at hindi 'mutual' ang desisyong ito. Lumalabas na si Paolo ang unang bumitiw sa kanilang relasyon, at hinihintay na lamang niyang manggaling kay LJ ang deklarasyong split na sila.

Nagsimula umanong lumamlam ang kanilang relasyon noong 2020. Sinubukan pa niya umanong isalba ito, subalit hindi na niya kinayang lumaban kung mag-isa lamang siya. Aniya, nagsasama man sila ni Paolo sa iisang buhay, matagal na niya umanong nararamdamang parang nakahiwalay na si Paolo sa kanila.

“Kasi matagal ko ng nararamdaman na parang nakahiwalay na siya sa amin. Ramdam na ramdam ko po yun. Pero honestly po, ako po yung nagsabi (na maghiwalay na kami). Parang nasa ibang mundo na po siya. At parang pakiramdam ko po, inaantay niya lang na manggaling sa akin,” pahayag ng emosyunal na si LJ.

Napapansin umano niya na laging umaalis ng bahay si Paolo nang hindi nagpapaalam sa kaniya. Sa loob ng anim na taon nilang pagsasama ay ngayon lamang niya nakitang ganoon ang partner. Marami umano itong excuses, o kaya naman ay iniiwasan na lamang ang kanilang kumbersasyon. Para kay LJ, ito ay traumatizing.

“Nahihirapan pa rin po akong isipin kung alin yung totoo. Alin yung hindi totoo. Paano nangyari yung mga bagay na nangyari. Paano ko po-protektahan yung mga anak ko,” makahulugang pahayag niya.

Diretsahang sinabi ni LJ na ayaw niyang makausap si Paolo upang alamin ang katotohanan kung bakit ‘nanlamig’ ito sa kaniya.

Matapos ng kanilang break up, tinanong pa niya ulit umano si Paolo kung gusto pa nitong bumalik at ayusin nila ang kanilang relasyon. Subalit tumanggi na umano ito.

“…na realize ko na parang hindi pwedeng ganito. May mga bata. Nagbaba po ako ng pride kahit alam kong ako po yung nasasaktan. Titiisin ko po yun para sa mga bata. Kasi inisip ko, baka kailangan nila ng complete family. Tinanong ko siya: ‘If you want to take us back?’ Pero hindi na daw,” malungkot na pag-amin ni LJ.

Nakikipagbalikan umano siya kay Paolo para sa kanilang mga anak.

“Kung wala naman pong mga batang involved okay lang naman po. Hindi ko po ipipilit yung sarili ko. Ang sa akin lang din po, kung ayaw mo na, basta sana okay yung mga bata,” aniya.

Sa mga nangyayari ngayon, hindi na umano siya umaasang magkakaayos at magkakabalikan pa sila bilang couple. Hindi umano madaling makalimutan ang mga nangyari.

Sa pag-urirat naman ni Boy kung third party o problema sa pera ang talagang pinag-ugatan ng hiwalayan: “I think po marami pong makakasagot niyan, kahit hindi po ako sumagot… Basta, priority ko po, yung welfare ng mga bata.”

Hindi pa masabi ni LJ kung maninirahan na ba sila nang tuluyan ng mga anak niya sa New York.

Pagkatapos nito, nahalungkat naman ng mga netizens ang video ng panayam sa ex-wife ni Paolo na si Lian Paz, isa sa mga EB Babes ng "Eat Bulaga." Walong taon ang kanilang naging relasyon at nagkaroon sila ng dalawang anak. Ikinasal sila noong 2009. Lumalabas na tila magkatulad din ang nangyari sa kanila ni LJ; ganoon din ang ginawa ni Paolo sa kaniya. Pareho umano ang pattern ng paghihiwalay nina Lian at Paolo kina LJ at Paolo.

Ayon kay Lian sa panayam ng dating talk show na "Startalk" ng GMA Network, kahit nais pa niya sanang maayos ang kanilang pamilya, desidido na raw si Paolo na makipagkalas sa kanya.

Pahayag ni Lian noon: “Sabi niya, 'I’m not doing this because I don’t love you anymore, I’m doing this for you.’ Sabi ko sa kanya, 'Kung ano man pinagdadaanan mo, asawa mo 'ko, andito ako para tulungan ka."

Dagdag pa niya, "Ang sabi niya, 'No, tama na. Kaya mo 'yan.'"

Ilang araw lamang matapos ang pasabog ni LJ, umingay naman ang balitang naispatan si Paolo kasama ang isang 'mysterious girl' habang naglalakad-lakad- at sabay pang kumain sa isang lugar sa Baguio City. Kahit likod ang nakita sa video at nakasuot ng face mask at face shield, nakilala ng mga netizens na ang lalaki ay walang iba kung hindi si Paolo Contis.

Makikita sa video na ibinahagi ng isang TikTok user na naka-abrisyete pa si 'Mystery Girl' sa kaniya habang naglalakad. Batay naman sa mga 'resibong' inilabas ng ilang mga netizens, sinubukan nilang i-trace ang identidad ng babaeng kasama ni Paolo sa pamamagitan ng tattoo sa paa nito.

At si Mysterious Girl, walang iba umano kung hindi si Yen Santos.

Trending tuloy sina Yen Santos at Paolo Contis sa Twitter nitong September 3. Inakusahan si Yen bilang isang 'sulutera' at si Paolo naman ay womanizer.

SPOTTED: Actor Paolo Contis dining with a female companion in Baguio City –  Manila Bulletin
Larawan mula sa Twitter

Samantala, hanggang ngayon ay wala pang opisyal na pahayag si Paolo Contis o maging si Yen Santos hinggil sa isyung kinasasangkutan nila.