EVIL EYE AT USOG

ni Nick Nañgit

May mata bang masama o kung tawagin ay Evil Eye? Pareho lang ba ito sa Usog? Anong pangontra sa kanila?

Liwanagin natin.

Human-Interest

Albay LEPT topnotcher nagbigay ng tips sa mga susunod na board exam takers!

Ang Evil Eye ay hindi masama. Ayon sa kasaysayan ng iba't ibang kultura, ito ay isang uri lamang ng sumpa na nanggagaling sa isang taong nais ipagtanggol ang sarili niya, sa pamamagitan ng pagtitig, laban sa ibang tao na gusto siyang saktan o gawan ng masama. Maaaring mandilat, manlisik ang mga mata, o tumingin ng mabalasik sa taong isusumpa niya bilang ganti o pananggalang.

Sa Gitnang Silangan, mayroong mga talisman,anting-anting, o butil na ginagamit. Tinatawag itong nazar. Ito ay hugis mata na kulay puti at itim sa gitna at may sunud-sunod na lumalaking bilog na kulay bughaw, maliwanag sa una pero padilim ng padilim habang lumalaki ang bilog.

Mayroon ding mga kilim na alpombra na may mga krus at matang disenyo, para maiwasan ang pananakit o ibaling sa iba ang masamang layunin ng ibang tao. Sa Ehipto, hindi ba't kilala ang Eye of Horus na sinasabing nakikita ang lahat? Marami ring kristal ang nagbibigay proteksyon laban sa mga sumpa.

Akala ng iba na nananakit ng tao ang Evil Eye. Mali yun. Bagkus, nagbibigay proteksiyon pa nga ito sa mga inosente. Iba ang proteksiyong taglay ng Evil Eye sa isang taong masama lang kung tumingin o nakikipag titigan.

Iba rin ang Evil Eye sa Usog.

Madalas, naririnig natin ang mga matatanda na nagbababalang huwag babatiin ang isang sanggol o bata at baka ito'y ma-usog. Ang ibig nilang sabihin ay baka magkasakit o kaya'y may masamang mangyari sa nasabing sanggol o bata. Totoo ba ito? Dala rin ba ito ng masamang titig?

Hindi.

Nagkakaroon ng usog, kapag tumatagos ang enerhiya ng taong bumabati sa eterikong latag o etheric layer ng kanyang binabati. Ang negatibong enerhiya na nararamdaman ng isang tao, bunga ng kanyang mga suliranin o pananaw sa buhay, ay nakadadawit sa enerhiya ng sanggol o batang nilalapitan niya o pinapansin.

Parang espongha kasi ang eterikong latag. Binabalot nito ang ating pisikal na katawan. Marami pang nakalatag na iba't ibang uring katawan sa ating pisikal na katawan, subali't ang eteriko ang pinakamalapit at nakadikit dito.

Ang eterikong latag ay kulay abo. May isang pulgada lamang ang taas nito mula sa ating balat. Naka-ugat ito sa mismong buhay natin at sa ating konsepto ng sarili, kaya nakararamdam tayo ng kaligtasan, katatagan, at katiwasayan. Hindi ba't, hindi pa tayo natuturukan ng bakuna ay umaaray na tayo? Yan ay dahil nagpapahiwatig na ng depensa ang ating eterikong latag.

Kapag binabati o kaya'y hinahawakan ang isang sanggol o bata, ang mga salitang binibitawan, tingin na ipinamamalas, at haplos na ginagawa ay pawang mga enerhiyang tumatagos sa eterikong latag. May dulot na sikdo o pagyanig ang mga ito, kumbaga sa larangan ng pisika. Nasisira ng mga enerhiyang ito ang depensa ng eterikong latag, at nasusubukan tuloy ang katawang nagbibigay ng kaligtasan, katatagan, at katiwasayan.

Dahil lumulusot ang enerhiyang ibinabahagi ng isang tao, gustuhin man niya ito o hindi, sa pisikal na katawan ng iba, naaapektuhan tuloy ang sikmura at kalusugan ng nakatatanggap nito. Ang positibong enerhiya ay nagpapasigla, subali't ang negatibong enerhiya ay nagpapahina. Yan ang dahilan kaya't nagkakasakit o sumasama ang tiyan ng sanggol o batang binabati, pinupuri, o pinapansin. Lumilipat kasi ang enerhiya. Hindi ito dahil isinusumpa na o masama ang layunin sa sanggol o bata.

Ano ngayon ang dapat gawin?

Ipinapayo na lawayan daw nang pa-krus ang tiyan ng sanggol o bata. May saysay ito, dahil parang nag-aalay ang isang tao ng bahagi ng kanyang sarili, para ang enerhiyang dulot niya ay lumihis.

Yung iba naman ay pinupunasan ang sanggol o bata ng maligamgam na tubig na may tinunaw na asing walang iodine. Naghihikayat itong prosesong ito ng positibong enerhiya na sasalungat sa negatibong enerhiya.

At yung iba ay sinusuotan ang sanggol o bata ng mga kristal na nagbibigay proteksyon, kagaya ng black tourmaline, tiger's eye, at maging ng Evil Eye.

Maiging handa tayo lagi. Mag-isip at gumawa ng mga positibong bagay. Kung masayahin ka at hindi nag-iisip nang ikapapahamak ng kapwa, hindi mo kakailanganin ang Evil Eye at hindi ka magdadala ng Usog.

Para sa iba pang dagdag kaalaman, mag Subscribe Watch Like at Share lang ang Nickstradamus channel sa YouTube, Ugaliing manood ng LIVE nito tuwing Biyernes 11 pm Philippine Standard Time, para sa usaping Saykismo.

Para naman sa mga katanungan tungkol sa kababalaghan, gaya ng Orakulo gamit ang tarot cards, at sa mga made-to-order crystals, makipag-ugnayan lang sa sulatronikong[email protected].

Hanggang sa muli, Liwanag, Pag-ibig, at Buhay, Namaste!