Nakapagtala pa ng 13,827 bagong kaso ng COVID-19 ang Department of Health (DOH) sa bansa nitong Martes.

Batay sa case bulletin no. 535 na inisyu ng DOH, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit, umaabot na sa 1,989,857 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas hanggang nitong Agosto 31, 2021.

Sa naturang total cases, 7.3% pa o 145,562 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman at maaari pang makahawa.

Sa aktibong kaso naman, 95.9% ang mild cases, 1.4% ang asymptomatic, 1.1% ang severe, 0.99% ang moderate, at 0.6% ang kritikal.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Mayroon rin namang 16,759 ang mga pasyenteng bagong gumaling mula sa karamdaman kaya’t umaabot na sa ngayon ang total COVID-19 recoveries sa bansa sa 1,810,847 o 91.0% ng total cases.

Samantala, mayroon pang 118 mga pasyenteng sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa karamdaman.

Sa kabuuan, umaabot na ngayon sa 33,448 ang total COVID-19 deaths sa bansa o 1.68% ng total cases.

Samantala, mayroon pa rin umanong 172 duplicates ang inalis ng DOH mula sa total case count, kabilang dito ang 153 recoveries.

Mayroon ring 37 kaso na unang tinukoy bilang recoveries ngunit kalaunan ay natuklasang pumanaw na pala matapos ang pinal na balidasyon.

“Ayon sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong August 29, 2021 habang mayroong 8 laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS). Base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng 8 labs na ito ay humigit kumulang 0.9% sa lahat ng samples na naitest at 1.2% sa lahat ng positibong mga indibidwal,” anang DOH.

Sinabi pa ng DOH na ang ‘relatively low’ na bilang ng mga kaso ng sakit na naiulat nitong Martes ay dahil sa mas mababang laboratory output noong Linggo.

Naobserbahan rin umano noong Linggo ang mas mababang bilang ng samples mula sa mga disease reporting units o LGUs.

Mary Ann Santiago