Ibinunyag ni John Prats na na-offend pala siya kay Direk Laurenti Dyogi noon, nang tanungin siya nito kung interesado ba umano siyang maging direktor.
Ayon sa panayam ng "Rise Artists Studio’s We Rise Together," tila 'nasaling' umano siya sa alok ni Direk Lauren na mag-direk, dahil naisip niya, "wala na ba akong halaga bilang artista?"
Nagkataong wala siyang kontrata noon sa ABS-CBN, subalit bahagi naman siya ng ilang mga programa gaya ng 'FPJ's Ang Probinsyano' ni Coco Martin, gayundin ang Sunday gag show na 'Banana Sundae.'
Subalit nang mahimasmasan na siya, napag-isip-isip niya na bagong challenge ito sa kaniya. Kaya naman tinanggap niya ito. Agad siyang ipinakilala ni Direk Lauren kay Direk Arnel Natividad. Walang kahit na anumang formal training o schooling si John pagdating sa pagdidirek.
Hanggang sa magsimula na nga siyang magdirek ng mga concerts, special events, at nito ngang huli ay isa na siya sa mga pinagkatiwalaan sa 'It's Showtime.'
Sa ngayon ay pinagsasabay ni John ang kaniyang pag-arte sa FPJ's Ang Probinsyano gayundin ang kaniyang pagdidirek.
“Right now, I'm enjoying the moments that I still have sa ‘Ang Probinsyano.’ If mag-full-time na ako sa ‘It’s Showtime,’ alam ko na ito na ang priority ko, ito na ang magiging mundo ko. I'm sure I'm gonna miss acting but ang iniisip ko naman na this transition is kung saan mas kailangan ka at mas may bigger purpose for you,’ aniya.
Open arms naman umano siyang tinanggap ng It's Showtime family, lalo na ang isa sa mga host nito at kasama na rin sa creative consultant ng show na si Vice Ganda. Pakiramdam nga umano niya ay matagal na niyang katrabaho ang mga ito.