Inilabas na ng Department of Education (DepEd) ang kanilang school calendar para sa 2021 hanggang 2022.
Sa department order na inisyu ng DepEd nitong Huwebes, pormal nang magsisimula ang pasukan sa mga pampublikong paaralan sa bansa sa Setyembre 13 at magtatapos ito sa Hunyo 24, 2022.
Bubuuin ito ng 209 school days, kabilang ang mga araw ng Sabado at 5-day midyear break.
Paglilinaw ng DepEd, mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagdaraos ng face-to-face classes, maging partial o full scale man ito, maliban na lamang kung pahihintulutan na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinauubaya naman ng DepEd sa mga pribadong paaralan at mga state o local universities and colleges (SUCs/LUCs) ang desisyon kung kailan sila magsisimula ng kanilang klase, gayunman, hindi ito dapat na lumampas sa Setyembre 13, alinsunod sa Republic Act 11480.
Mary Ann Santiago