Binuksan na nitong Sabado ng umaga ang COVID-19 drive-thru vaccination site sa Quirino Grandstand sa lungsod ng Maynila, na matatagpuan sa tabi lamang ng COVID testing site at ng Manila COVID-19 Field Hospital.

Mismong si Manila Mayor Isko Moreno ang nanguna sa pagbubukas ng naturang pinakabagong vaccination site ng lokal na pamahalaan, na ang layunin ay higit pang mapabilis ang pagbabakuna sa mga Manilenyo at mabawasan ang pila sa mga vaccination centers.

Photo Courtesy: Manila Public Information Office/FB

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file sa pagkasenador at party-list sa huling araw

Kasama rin niya sa launching ng naturang proyekto sina Manila Vice Mayor Ma. Sheilah ‘Honey’ Lacuna-Pangan, Manila City Health Officer Dr. Arnold Pangan, Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, National Task Force (NTF) against COVID-19 Deputy Chief Implementor Secretary Vince Dizon at Department of Health (DOH) Assistant Secretary Elmer Punzalan.

Ayon kay Moreno, maaaring magpabakuna dito ang mga indibidwal na may sasakyan na may apat na gulong, gaya ng jeep o kotse.

Hindi pa naman pwedeng pumila ang mga nakamotorsiklo o bike sa ngayon.

Photo Courtesy: Manila Public Information Office/FB

Paglilinaw naman ni Moreno, kailangan din munang mag-register online at magpa-schedule sa kanilang website.

May matatanggap umanong text message na nagsasabi kung pasok sa drive-thru vaccination.

Dahil nasa loob naman umano ng sasakyan, nabatid na hindi lang isang tao ang pwedeng magpabakuna.

Maaari umanong apat na tao ang magpabakuna dito sakay ng isang sasakyan basta’t rehistradong lahat ang mga ito samanilacovid19vaccine.phwebsite ng Manila City government at kahit isa lang sa kanila ang naka-schedule.

Kahit naman hindi taga-Maynila ay maaari rin umanong mag-register at sumama sa drive-thru vaccination.

Nabatid na may 400 doses ng bakuna ang inilaan ng lokal na pamahalaan para sa unang araw ng naturang vaccination site nitong Sabado.

Samantala, bukod sa drive-thru vaccination,may first dose vaccination din sa University of Santo Tomas (UST) nitong Sabado na may 2,500 doses, at second dose vaccination naman sa ibang piling mga paaralan at mall sa lungsod.

Mary Ann Santiago