Binawi na ng hukuman nitong Lunes ang warrant of arrest laban kay Peter Joemel Advincula, alyas ‘Bikoy,’ matapos na mabigyan nito ng katwiran ang kanyang pagliban sa kanyang nakatakdang arraignment o pagbasa ng sakdal, kamakailan.

Pinagbigyan ni Manila Metropolitan Trial Court Branch 17 Judge Karla Funtila-Abugan ang kahilingan ng kampo ni Advincula, na bawiin ang warrant of arrest na ipinalabas nito laban sa kanya, matapos na maipaliwanag nito ng maayos ang kanyang hindi pagdalo sa pagbasa ng sakdal, nitong Hulyo 21.

Paliwanag ni Advincula sa hukuman, wala siyang anumang intensyon na hindi siputin ang kanyang arraignment.

Kaya aniya hindi ito nakabiyahe mula Bicol patungong Maynila dahil sa COVID-19 travel restrictions, masamang panahon at ang pagiging hindi pa niya bakunado laban sa COVID-19.

Probinsya

Mastermind sa pagpatay sa mag-asawang online seller, kumpare raw ng mga biktima

Dahil dito, ibinalik rin ni Abugan ang unang piyansang inilagak ni Advincula na una nitong ipinabawi.

Gayunman, binalaan ng korte si Advincula na parurusahan kung mabibigo pa siyang muli na dumalo sa arraignment at pre-trial conference nito na itinakda sa Agosto 26.

Matatandaang si Advincula ay nahaharap sa kasong perjury batay sa reklamo ng ilang miyembro ng Free Legal Assistance Group (FLAG) na isinangkot niya sa umano’y planong pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019.

Una nang sinabi ni Advincula na siya ay si alyas ‘Bikoy’ na narrator sa serye ng mga video na nag-aakusa sa pamilya Duterte na sangkot umano sa illegal drug trade sa bansa.

Mary Ann Santiago