Matapos bigyan ng Judicial clemency ng Supreme Court, ibinalik na ang mga benepisyo ni dating Sandiganbayan Associate Justice Gregory Ong na sinibak sa serbisyo noong 2014 dahil sa pagkakaugnay nito sa negosyanteng si Janet Lim-Napoles na sinasabing utak ng pork barrel fund scam.
Sa desisyon ng Korte Suprema, iniutos nito na maibalik ang retirement benefits at ang full pension ng dating mahistrado.
Inalis na rin ng SC ang ipinataw na disqualification kay Ong sa posibleng pagtatrabaho muli sa alinmang tanggapan o posisyon sa pamahalaan.
Sa ruling noon ng SC, pinawalang-bisa ang lahat ng retirement benefits ni Ong, maliban sa kanyang leave credit at hindi na rin siya maaaring magtrabaho sa alinmang ahensya ng gobyerno, kabilang na ang mga government-owned and controlled corporations.
Si Ong ay pinagbigyan ng SC bunsod ng problema nito sa kalusugan.
Idinahilan ng Korte Suprema, bumalik ang prostate cancer ni Ong at kinakailangang sumailalim sa operasyon at chemotherapy kung saan kailangan ang malaking halaga upang maisagawa ang mga ito.
Beth Camia