Nasa kustodiya na ng pulisya ang isang negosyante matapos maaresto dahil sa patung-patong na kasong kinakaharap nito sa Pasay City, nitong Sabado ng gabi.
Nahaharap ngayon sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 ( Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions), Republic Act 10883 ( The New Anti Carnapping Act of 2016) at Republic Act 9165 ( Comprehensive Drugs Act of 2002) ang suspek na kinilalang si Mark Rovel De Ocampo, 41, may-asawa, at taga-Meadowoods Executive Village, Bacoor, Cavite.
Dinakip ang suspek nang ireklamo ng mga biktimang sina Josephine Llavore, 44, at Rodrigo Villacorta Jr., 38, kapwa negosyante
Sa ulat ng Southern Police District, nagpapatrulya ang mga pulis nang mapansin ang komosyon sa pagitan ng mga biktima at ng suspek sa harapan ng isang shopping mall, dakong 10:45 ng gabi.
Nang lapitan sila ng mga pulisya, binanggit ng dalawang biktima na hindi ibinalik ng suspek ang kanilang sasakyan matapos itong hiramin.
Tinangka pa umanong tumakas ng suspek patungo sa kanyang sports utility vehicle, gayunman, naaresto pa rin ito ng mga awtoridad.Nasamsam ng pulisya sa nasabing sasakyan ang P224,400 halaga ng shabu, 11 piraso ng ecstasy tablet at drug paraphernalias.
Bella Gamotea