Dalawang babaing mambabatas mula sa Makabayan bloc ang nagbunyag sa pagbabanta at harassment na ginawa laban sa kanila sa social media ng isang vlogger at isang media outfit.
Ayon kay Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, magsasampa ito ng kasong paglabag sa Republic Act No. 4200 (Anti-Wiretapping Law) sa isang vlogger na kabilang sa Duterte group.
Binira ni Kabataan Rep. Sarah Jane Elago ang SMNI News dahil sa pagpo-post ng banta laban sa kanya sa kanyang Twitter.
Ang SMNI News ay pag-aari ng Sonshine Media Network International, ang official broadcasting arm ng Kingdom of Jesus Christ sa ilalim ni Apollo Quiboloy, supporter ni Pangulong Duterte. Wala pang komento ang SMNI sa usapin.
Sinabi ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na bagamat suportado ng 6-member Makabayan bloc ang freedom of the press and expression, hindi naman nila hahayaan ang ganitong mga banta.
Bert de Guzman