Inanunsyo ng World Health Organization (WHO) na natuldukan na ang polio outbreak sa Pilipinas.

Sa isang virtual press briefing ng Department of Health (DOH), WHO, UNICEF at iba pang partners nitong Biyernes, sinabi ni WHO PH Rep. Dr. Rabindra Abeyasinghe na aabot sa 30 milyong doses ng oral polio vaccines na ang na-administer sa bansa, kung saan 11 milyon na mga bata ang nabakunahan sa 13 vaccination rounds.

Ayon kay Dr. Abeyasinghe, ito ang pinakamalaking logistical effort para sa polio sa ating bansa.

Pinuri rin ng WHO ang polio vaccination sa Pilipinas, kahit pa naharap sa mga hamon na dala ng COVID-19 pandemic. 

Eleksyon

Ex-Pres. Rodrigo Duterte, tatakbong mayor sa Davao City; ayaw tumakbong senador?

Ayon sa WHO, ang Pilipinas ay naging inspirasyon sa buong mundo pagdating sa mga hakbang at pagsusumikap laban sa polio.

Malugod ding binati ng UNICEF ang Pilipinas partikular ang DOH na nanguna sa pagtugon at pagtiyak na matatapos ang polio outbreak sa Pilipinas.

Malaki rin anila ang ambag ng health care at mga community worker, mga ahensya at mga partner na nagtulong-tulong para maprotektahan ang mga kabataan laban sa polio.

Matatandaan na ang polio outbreak sa Pilipinas ay naunang inanunsyo ng DOH noong September 2019. 

Mary Ann Santiago