Maaari nang mabakunahan laban sa COVID-19 ang mga bata na nasa 12 hanggang 15-anyos ang edad.
Ito’y matapos na aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang hiling ng Pfizer BioNtech na ma-amyendahan ang kanilang Emergency Use Authorization (EUA) upang magamit na rin ang kanilang COVID-19 vaccine sa mas mababang edad.
Ayon sa FDA, matapos ang ginawang pag-aaral ay inaprubahan nila na magamit ang COVID 19 vaccine ng Pfizer sa mga batang nasa edad 12 pataas.
Batay sa nakasaad sa amended EUA ng Pfizer ang pagitan ng pagturok ng una at pangalawang dose ng bakuna ay tatlong linggo.
Pero kahit naman aprubado na ng FDA na magamit sa mga bata ang Pfizer vaccine, nilinaw ng mga opisyal ng Department of Health (DOH) na hindi pa rin nababago ang kanilang prioritization sa pagbabakuna dahil limitado pa rin ang suplay nito sa bansa.
Nananatili pa ring prayoridad ng pamahalaan na mabakunahan ang mga nasa vulnerable population.
“Pfizer is for 12-15 years old with or without comorbidity but given insufficient vaccines as of yet, only those with comorbidity are included in the A3 prioritization,” ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.
Sinabi naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na batay sa general consensus ng vaccine experts, rerebisahin ang pediatric at adolescent vaccination sa oras na stable na ang supply ng bakuna sa bansa.
“While we welcome more vaccines that are approved for children and adolescents, due to limited vaccine supply, our vaccination strategy remains the same -- prioritize the vulnerable and adhere to our prioritization framework. The general consensus of our vaccine experts is to revisit pediatric and adolescent vaccination once our vaccine supply has stabilized. Vaccine Cluster through Sec Charlie is doing all they can to secure the doses necessary to vaccinate the eligible population for free,” ani Vergeire.
Mary Ann Santiago