Walo ang naiulat na nasugatan matapos na mabangga ng isang EDSA Carousel bus ang isang ambulansiyang sumingit sa Mandaluyong City nitong Biyernes ng gabi.
Ang mga nasugatan na kinabibilangan ng driver ng bus, na naipit sa manibela; ang kanyang konduktor at anim na mga pasahero, na pawang isinugod sa Mandaluyong Medical Center.
Sa ulat ng pulisya, bago mag-alas-8:00 ng gabi nang maganap ang aksidente sa EDSA Shaw tunnel ng lungsod.
Ayon kay Bong Nebrija, hepe ng EDSA special traffic and transport zone division ng Metro Manila Development Authority (MMDA), nasa regular lane ang ambulansiya patungong south, gayunman, bigla itong pumasok sa bus lane kaya nabangga ito ng nasabing bus.
Aniya, maaari naman gamitin ng ambulansiya ang nasabing lane, gayunman, priority pa rin ang mga bus.
"Ang sinasabi ko, even though they could use it, they are not the priority. Ang priority pa rin is ‘yung bus. So if they want to use it and there’s a bus coming in, they need to give way to the bus,” ani Nebrija.
“Eh, lalung-lalo na itong ambulansyang ito, wala namang laman. Ang kine-claim niya may pi-pick-up-in siyang pasyente. I do not know what’s the level of emergency nung pipickupin niya,” aniya pa.
Mary Ann Santiago