Arestado ang apat na pinaghihinalaang drug suspect matapos na mahulihan ng P679,200 halaga ng iligal na droga sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Makati City, nitong Huwebes.
Ayon sa ulat ni Southern Police District (SPD) chief, Brigadier General Jimili Lopez Macaraeg, unang nadakip ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) at Intelligence Section ng Makati City Police ang suspek na si Marlon Mina, alyas Mamat, nasa hustong gulang, sa buy-bust operation sa Pili Avenue, Brgy. West Rembo ng naturang dakong 10:05 ng umaga.
Sa ikalawang operasyon, dinampot naman si Bili Rose Babon, alyas Cholo, sa Kalayaan Ave., Brgy. West Rembo, Makati City, dakong 1:30 ng hapon.
Dakong 2:00 ng hapon, dinakma naman ng mga tauhan ng SPD-District Drug Enforcement Unit (DDEU) sina Hubert Dale, at Jimmy Furio, sa No. 1274 Cetuar St., Bgy. Rizal, Makati City.
Aabot sa P679,200 na halaga ng shabu ang narekober sa mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Acts of 2002 at karagdagang paglabag sa Comprehensive of Firearm and Ammunitions Regulatory Act.
Bella Gamotea