Naniniwala si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na hindi pa napapanahon ang pagtatanggal ng polisiya hinggil sa pagsusuot ng face shield sa mga pampublikong lugar, lalo na ngayong mababa pa ang vaccine coverage ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas.

Ang pahayag ay tugon ni Duque sa panawagan ni Manila Mayor Isko Moreno sa national government na huwag nang pagamitin ng face shield ang mga mamamayan.

“Okay ang mungkahi ni Mayor Isko kung malaki na ang vaccination coverage natin,” ayon kay Duque.

Sa ngayon aniya, hindi pa maaaring tanggalin ang face shield policy dahil ang two-dose vaccination coverage ng bansa ay nasa lampas 2% pa lamang dahil na rin sa kakulangan ng suplay ng bakuna.

Sementeryo sa Albay, pinagbubutas; masangsang na amoy, umaalingasaw

Aabot pa lamang sa 3.9 milyong indibidwal ang nabakunahan sa bansa hanggang noong Mayo 30.

Malayo pa ito sa target ng pamahalaan na makapagbakuna ng mula 58 milyon hanggang 70 milyong indibidwal hanggang sa katapusan ng taong ito upang maabot ang herd immunity.

Idinagdag pa ng kalihim na ang paggamit ng face shield ay suportado ng siyensiya kung saan lumilitaw na ang pagsusuot ng face mask at face shield, na sasamahan pa ng social distancing ay nagkakaloob ng higit pa sa 95% proteksiyon laban sa COVID-19 sa isang indibidwal.

Mary Ann Santiago