Nasa kabuuang 200 gramo ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P1,360,000 ang nasabat ng pulisya sa tatlong suspek sa isang buy-bust operation sa Parañaque City, nitong Lunes.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) chief, Brig. Gen. Jimili Macaraeg ang mga suspek na sina Mary Ann Villa, alyas Jane, 31, dalaga, ng 75 Peras Street, General Malvar Exit, Bagong Bario, Caloocan City; Cristina Bungay, 33, dalaga, ng Block 13, Lot 20, Karimas Village, Barangay Panghulo, Malabon City, at Sohaily Batao, 30, may-asawa, ng Phase 12, Brgy. 188, Tala, Caloocan City.
Sa ulat ng SPD, nagkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Parañaque City Police sa pangunguna ni Maj. Brent Ian Salazar, sa harapan ng Mang Inasal restaurant sa Roxas Ave., Bgy. Baclaran sa nasabing lungsod na ikinaaresto ng mga ito, dakong 2:50 ng hapon.
Nakumpiska ang mga ebidensiya na dalawang knot tied transparent ice bag plastic at isang medium size transparent plastic na naglalaman ng umano’y shabu; pitong boodle money at isang P1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money; at isang eyeglass pouch.
Agad itinurn-over ang mga illegal drug item sa SPD-Crime Laboratory para sa chemical analysis habang sasampahan naman ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na nasa kustodiya na ng pulisya.
Bella Gamotea