Pinaalalahanang muli ng isang grupo ng mga eksperto ang mga residente ng Metro Manila na maging mas maingat pa, lalo na ngayong unti-unti na naman umanong tumataas ang naitatalang mga kaso ng COVID-19 sa rehiyon.
Sa pinakahuling ulat ng OCTA Research Group, sinabi nito na mula Mayo 26 hanggang Hunyo 1, ay tumaas ng 0.68 mula sa 0.57 lamang ang COVID-19 reproduction rate sa National Capital Region o ang dami ng tao na maaaring mahawa ng isang COVID-19 patient.
Tumaas din ng 8% ang 'seven-day growth rate' sa Metro Manila na naitala sa 1,135 average kada araw.Sinabi ng grupo na maliit na pagbabago lamang ito, gayunman, ipinaalala na ito ang unang pagkakataon na nagkaroon muli ng pagtaas ng COVID-19 cases simula nang marating ang peak ng COVID-19 surge noong Abril.
Nananatili pa rin naman sa moderate risk ang klasipikasyon ng Metro Manila dahil sa 8.22 average daily attack rate (ADAR).
Mary Ann Santiago