Sinabunutan bago binaril umano ng isang lasing na pulis ang 52-anyos na babae sa Quezon City, nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si M/Sgt. Hensie Zinampan, ng Police Security Protection Group, na nakunan ng video ang pagpatay nito sa biktimang si Lilibeth Valdez.
Nag-ugat umano ang krimen nang makainitan ni Zinampan ang anak na lalaki ni Valdez ayon sa anak na babae ng biktima, na si Beverly Luceno.
“Nagsuntukan po kasi ‘yung pulis pati yung kapatid kong lalaking isa,” pagbabahagi ni Luceno sa mga mamamayag, na sinabing kapwa lasing na ang dalawa nang magsuntukan.
Sa isang video na kuha sa insidente at nag-viral sa social media, makikita si Zinampan, na nakasuot ng t-shirt at short, habang may hinahanap nang lapitan ito ni Vadez sa labas ng kanyang bahay sa Barangay Greater Fairview.
Hinila ni Zinampan ang buhok ng biktima saka binaril sa kabila ng pagmamakaawa.
“Sir, huwag nyo naman ako saktan, Sir,” maririnig si Valdez na nakikiusap sa pulis sa video.
Nasaksihan naman ang krimen ng ilang bata sa lugar.
Agad ring naaresto si Zinampan.
Joseph Pedrajas