TARLAC CITY - Napatay ang isang pinaghihinalaang tulak ng ipinagbabawal na gamot matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa ikinasang buy-bust operation sa Riverside, Barangay Panampunan ng nabanggit na lungsod, nitong Linggo ng madaling araw.

Sa ulat, kinilala ni Tarlac Police chief, Lt. Col. Modesto Carrera, ang suspek na si Mark Joseph Bugayong, 21, binata, at taga-Oklahoma Street, Villa Aguila Subd., Bgy. Maliwalo, Tarlac City.

Nakatakas naman ang kasamahan nito na hindi muna isinapubliko ang pagkakakilanlan upang hindi mabulilyaso ang isinasagawang follow-up operation.

Binentahan umano ng dalawang suspek ng iligal na droga ang isang police poseur buyer, gayunman, naka-halata si Bugayong na isa lamang bitag ang transaksyon kaya nito binaril ang grupo ng mga pulis na aaresto sana sa kanila.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Nakipagbarilan ang mga awtoridad na ikinabulagta ni Bugayong kaya agad na tumakas ang kasamahan nito.

Narekober sa pinangyarihan ng sagupaan ang isang Cal. 38 revolver at hindi pa mabatid na halaga ng shabu.

Leandro Alborote