
NUEVA ECIJA - Patay ang dalawang pinaghihinalaang drug pusher matapos umanong makipagbarilan sa mga awtoridad sa magkahiwalay na buy-bust operations sa Talavera ng naturang lalawigan, kamakailan.
Paliwanag ni Talavera Police chief, Lt. Col. Heryl Bruno, nagkasang anti-illegal drugs operations ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (DEU) laban kay Reylito Ramos sa Bgy. Bantug Hacienda, nitong Huwebes ng madaling araw.
Matapos bentahan ng iligal na droga ang isang police poseur buyer, nakahalata umano si Ramos at pinaputukan ng baril ang mga pulis hanggang sa magkabarilan na ikinamatay nito.
Nasamsam sa kanya ang ilang pakete ng shabu, isang Cal. 38 revolver at marked money.
Sa Bgy. La Torre naman sa nasabing bayan, napatay din sa operasyon ang umano'y tulak ng ipinagbabawal na gamot na si Jonathan Miranda, 37, at taga-DS Garcia, Cabanatuan City nang lumaban sa mga pulis na nagsagawa ng buy-bust operation sa naturang lugar, dakong 5:30 ng hapon.
Narekober sa pinangyarihan ng sagupaan ang pitong plastic sachet ng umano'y shabu, isang Cal. 38 revolver at marked money.
Light Nolasco