Iniulat ng OCTA Research Group na bumaba na ng 80% ang average na bilang ng mga COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR) kumpara noong kasagsagan ng surge ng sakit sa mga nakalipas na buwan.
Ayon kay Professor Guido David ng OCTA, nasa 1,099 na lamang ang average ng bagong COVID-19 cases kada araw na naitatala sa rehiyon nitong nakalipas na linggo.
Mas mababa aniya ito ng 80% kumpara noong mga nakalipas na buwan kung saan ang daily average peak ay nasa 5,550.
“That is about 80% lower than the average during the peak of the surge. The single-day peak was 8,000 but the daily average peak was 5,550, so this is a significant improvement,” pahayag pa ni David, sa isang online forum.
Kaugnay nito, iniulat rin ni David na ang reproduction number sa NCR ay bumaba na rin sa 0.53 habang ang positivity rate nito ay nasa 10% na lamang mula sa dating 25% noong Abril.
Pinaalalahanan rin niya ang lahat na sa kabila ng naturang magandang pagbabago ay nananatiling ‘at risk’ o nanganganib pa rin na magkaroong muli ng panibagong COVID-19 surge sa NCR kaya’t dapat aniyang tutukan na ang pagbabakuna ng mga mamamayan sa rehiyon.
“Obviously, we want to sustain this. Then again, we should remind everyone that even though we have made significant improvements, the NCR will always be at risk of another surge… that’s why the focus right now is on vaccinations,” aniya pa.
Iniulat din ni David na ang Quezon City, Zamboanga, Manila, Pasig, at Davao City ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang mga bagong kaso ng COVID-19 sa nakalipas na linggo.
Sa kabila naman nito, karamihan sa mga lungsod ay nakapagtala na aniya ng negative case growth rate, maliban sa Davao City na ang bilang ng mga impeksiyon ay tumaas pa ng 49%.
Matatandaang nagkaroon ng surge ng COVID-19 sa NCR at mga lalawigan ng Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan nitong Marso kaya nagdesisyon ang pamahalaan na isailalim ito sa pinakamahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) mula Marso 29 hanggang Abril 11.
Malaunan naman ay pinababa ang klasipikasyon sa modified ECQ (MECQ) at ngayon ay nasageneral community quarantine (GCQ) "with heightened restrictions."
Iminungkahi naman ni David na ang GCQ sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan ay dapat pa ring mapanatili sa Hunyo.
Mary Ann Santiago