Napatay ang isang umano'y magnanakaw nang makipagbarilan sa mga awtoridad at naaresto naman ang dalawa niyang kasabwat sa Malabon City, nitong Martes ng hapon.

Dead on arrival sa Ospital ng Malabon si Jason Danco, 33, binata, at taga-Sitio 6, Dumpsite, Barangay Catmon, dahil sa mga tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Arestado naman ang dalawa niyang kasamahan na sina Armold Banjola, 31, taga-Dulong Hernandez Street, Bgy.  Catmon at Robin Salazar, 38, at taga-Dr. Lascano Street, Tugatog, Malabon.

Bago ang insidente, nakatanggap ng tawag ang mga tauhan ng Police Sub-Station 2 ng Malabon Police kaugnay ng nagaganap na nakawan sa Dr. Lascano Street, Tugatog, dakong alas 3:00 ng hapon.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Kaagad na nagresponde ang mga pulis sa lugar at nakita  nila sina Banjola at Salazar na may dalang patalim habang si Danco naman ay may  hawak na Cal. 38 revolver. 

Tinangkang tumakas ang mga ito, gayunman, nakorner si Danco at sa halip na sumuko ay pinutukan umano nito ang mga pulis.

Napilitang nakipagbarilan sa kanya ang mga pulis na naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Nang makita ng dalawa na duguan ang kasama, sumuko  na  ang mga ito.

Narekober ng pulisya ang isang  Cal. 38 revolver, dalawang basyo ng bala ng nasabing baril at dalawang patalim. 

Orly Barcala