BACOLOD CITY - Arestado ang isang senior citizen nang masamsaman ng P3.4 milyong halaga ng pinaghihinalaang shabu sa ikinasang anti-illegal drugs operation ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Negros Oriental sa labas ng Dumaguete City port sa Barangay Looc, nitong Miyerkules.
Ang suspek ay kinilala ni PDEA-Negros Oriental chief Francisfil Tangeres na si Evelyn Jimenez, 63, may-ari ng isang sari-sari store.Gayunman, hindi nadakip at tinutugis pa ang target ng operasyon na si Jovic Calibo na kaanak ni Jimenez.
Paliwanag ni Tangeres, naka-usap nila sa telepono si Calibo kaugnay ng naturang transaksyon, gayunman, si Jimenez ang pinalutang nito sa nasabing lugar.
Inihayag ng opisyal na matagal na nilang sinusubaybayan ang dalawa kaugnay ng kanilang pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang kaso upang matukoy kung saan kinukuha ng dalawa ang ibinebentang iligal na droga.
Nahaharap sina Jimenez at Calibo sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Glazyl Masculino