Magsisimula na ang Gilas Pilipinas Women sa pagbuo ng isang malakas na koponan na isasabak sa mga darating na international tournaments, gaya ng FIBA Women’s Asia Cups at 31st Southeast Asian Games.
Sa tulong ng Fil-Am Nation Select, magsasagawa ang Gilas Women’s ng tryout para sa seniors’ squad sa Hunyo 4-5 sa La Verne, California.
“Partnering with Fil-Am Nation allows for us to build a connection; and most importantly, relationship with the Fil-Am coaches and, of course, players so that we can build a bridge, and more players would be eligible to play for their country,” wika ni Gilas Women’s head coach Patrick Aquino, na kapwa mentor ng national women's 5-on-5 at 3×3 teams.
Kasalukuyang nasa Estados Unidos si Aquino upang tulungan si Jack Animam na maayos ang magiging training nito sa East West Private.
Nangunguna sa kabuuang 27 players na inimbitahan upang lumahok sa tryout sina Mai-Loni Henson at Chanelle Molina.
May taas na 6-foot-1, si Henson ay naglaro sa Division III French team Al Aplemont pagkaraang makapagtapos sa Washington habang 5-foot-9 na si Molina ay produkto ng Washington State; naglaro sa Swedish club na Norrköping at nag tryout sa WNBA team Indiana.
Kasama rin ni Chanelle na magta-tryout ang kanyang mga kapatid na sina Cherilyn at Celina.
Inimbita rin sa tryout sinabElla Fajardo at ang Sacramento State product na si Gabi Bade gayundin ang mga centers at power forwards na sina 6-foot Lexi Marks ng Boise State; 5-foot-10 Malia Bambrick ng Pepperdine; 5-foot-10 Kiera Oakry ng UC San Diego; 5-foot-10 Kayla Revelo ng University of Hawaii-Hilo at 5-foot-9 Kayla Padilla ng Pepperdine.
Ang iba pang mga inimbitahan ay sina Vanessa De Jesus ng Duke, Aurea Gingras ng George Washington, Mel Isbell ng New Mexico State, Lei McIntosh ng UC Berkeley, Gabby Rones ng Nevada, Angie Villasin ng North Park, Jessica Malzarte ng Frezno Pacific, Janelle Ganer ng St.Thomas, Lynette Garon ng Southwest, Lei Talaro ng La Verne, Westmont’s Stefanie Bernerabe, Cal Jayda Villareal Poly Poymoda at Daylani Ballena ng Southern Utah.
Kaugnay nito, inaayos ng Fil-Am Nation founder na si Cris Gopez ang mga kinakailangang "compliance requests" para sa bawat player dahil ayon sa isinasaad ng NCAA rules na kailangan munang aprubahan hg kanilang eskuwelahan ang partisipasyon ng kanilang student-athlete sa national team tryouts.
Nagpasalamat naman si Gopez kay Aquino sa tiwalang ibinigay sa kanila para makatulong upang palakasin ang Gilas Women’s program.
Nakatakdang paghandaan ng Gilas Women's ang darating na FIBA Asia Women’s Cup na idaraos sa Setyembre 26-Oktubre 3; ang FIBA 3×3 Asia Cup at 31st Southeast Asian Games sa Hanoi sa Nobyembre.
Marivic Awitan