Matapos ang limang taong pamamasada ng jeepney, naabot na rin ng isang binata ang kanyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.
Ibinahagi ni Marvin Padilla Daludado, nagtapos ng Bachelor of Science in Information Technology sa University of the East-Caloocan, ang kuwento ng kanyang buhay nang magsimulang magtrabaho bilang jeepney driver noong 17-anyos pa lang ito.
"Noong una ayaw pa noon ng mga magulang ko mamasada ako kasi sobrang totoy ko pa noon. 'Yung tipong hinahanap ng pasahero kung nasaan 'yung driver dahil 'di nila ako makita at 'yung iba na matatanda natatakot at tinatanong kung marunong daw ba talaga ako mag-drive," paglalahad ni Daludado.
Sa kabila nito aniya, itinuloy pa rin niya ang pagtatrabaho upang tustusan ang kanyang pag-aaral.
"Yung hindi ko paghingi ng baon sa aking mga magulang at mga gastusin sa school like projects ay malaking tulong na para sa kanila at 'pag may sumobra pa sa aking kita ay sinasagot ko 'yung ibang tuition fee ko dahil 'di lang naman ako 'yung pinag-aaral ng mga magulang ko," pagpapatuloy nito.
"5 a.m. ay bumibiyahe na ako para may pambaon dahil may pasok pa ako ng 8 a.m. At 'pag sinipag-sipag at 'pag may school projects na kailangan pagkagastusan pagkagaling sa school ay pumapasada pa rin ako dahil kailangan," salaysay nito.
Nasanay na rin aniya ito sa kanyang trabaho bilang jeepney driver at pinasalamatan din niya ang mga trafficenforcer, jeepney driver, at pasahero na tumulong sa kanya sa paghahanap-buhay.
"Graduate na ako pati sa pagiging jeepney driver salamat sa mga naging pamasahe n'yo," dagdag pa ni Daludado.
Gabriela Baron